Dahil siya ang kumikita aktres sinasagut-sagot ang magulang

Shocked ang mga witness sa pagsigaw ng aktres sa kanyang ina. Naloka sila sa kagaspangan ng ugali na ipinakita ng aktres sa nanay niya. Hindi raw kumibo ang madir na dinedma na lang ang pagsigaw ng anak.

‘Yan ang mahirap kapag umaasa ang mga magulang sa kanilang mga anak. Ang aktres ang breadwinner ng pamilya at dahil siya ang gumagastos sa lahat, under niya ang kanyang ina at ama.

Monster in the making ang tingin sa aktres ng mga witness sa kawalan ng respeto niya sa kanyang ina. Bagets pa ang aktres nang magsimula sa showbiz. Kasalanan din ng mga magulang ang paglobo ng ulo ng aktres dahil binigyan ito ng ilusyon na big star na siya.

* * *

Maligaya ang staff ng Tweetbiz dahil kabilang ito sa mga show ng Q11 na na-retain. Ang ibig sabihin, tuloy ang ligaya ng staff ng Monday to Friday showbiz talk show ng Q11 na GMA News TV na ang bagong name.

Kasama ako sa mga maliligaya dahil kapuso ako ng Tweetbiz. Hindi ko puwedeng gamitin ang word na kapamilya dahil associated ito sa ABS-CBN.

At dahil na-retain ang Tweetbiz, may changes na mangyayari sa aming show. Mga bagong co-host namin sina Gelli de Belen at Fabio Ide na pursigido na matuto sa pagsasalita ng Tagalog dahil siya ang magiging taga-basa ng mga showbiz news mula sa mga tabloid.

Kagabi ang grand launch ng GMA News TV sa A. Venue Events Hall sa Makati Avenue. Business attire ang requirement sa mga invited guest dahil pormal-pormalan ang event na dinaluhan ng mga bossing ng Kapuso network, ng mga sikat na broadcast journalist at ng mga pulitiko.

Ang GMA News TV ang mahigpit na makakalaban ng ANC, CNN, at BBC sa paghahatid ng current events. Inumpisahan na nga kahapon ng GMA News TV ang live coverage sa senate hearing tungkol sa mga general na pinagbi­bintangan na nagkamal ng limpak-limpak na salapi habang nasa puwesto sila.

Paolo na-master na ang pagiging bakla

Bading na bading ang acting ni Regine Velasquez-Alcasid sa I Heart You Pare. Sa tagal ni Regine sa showbiz, napag-ara­lan na niya ang mga kilos at pananalita ng mga bading kaya hindi siya nahirapan sa kanyang role sa TV series nila ni Dingdong Dantes.

Kung pinanood ninyo ang promo ng I Heart You Pare sa Party Pilipinas noong Linggo, imposibleng hindi kayo bumilib kay Regine dahil very gay impersonator ang kanyang dating.

Gay impersonator ang role ni Paolo Ballesteros sa I Heart You Pare. Na-master na ni Paolo ang pagiging mujer dahil nakatulong ang madalas na pagbibihis-babae niya sa Eat Bulaga.

Na-perfect na rin ni Paolo ang paglalagay ng makeup sa sarili. Hindi niya kailangan ng make-up artist para ma-transform siya na babae. Pinag­handaan ni Paolo ang kanyang role dahil bumili siya ng maraming wig na gagamitin sa mga eksena niya sa I Heart You Pare.

Kung naririto sa Pilipinas si BB Gandanghari, baka kasali rin siya sa new primetime show ng GMA 7. Tiyak na magpapatalbugan sila ni Paolo na ang “kasariwaan” ang edge kay BB na 45-years old na.

Show comments