Dalawang bagong hosts ang bubungad sa paggising sa Umagang Kay Ganda

MANILA, Philippines –  Yup, simula sa Lunes (Feb. 7), makikisaya na sa morning barkada Umagang Kay Ganda ang Miss Universe 2010 4th runner-up at pinakabagong Kapamilya na si Maria Venus Raj.

Ayon kay Venus, na isang journalism graduate ng Bicol University, isang “dream come true” ang mapabilang sa Umagang Kay Ganda, kung saan magagamit niya ang napag-aralan sa paghahatid ng balitang showbiz, features, at maging sa public service.

Si Venus din ang isa sa mga pakakaabangan sa bagong segment na Barangay Bida na susugod sa mga piling barangay na talaga namang nagsisilbing ehemplo sa ibang mga komunidad upang maibida ang angking galing ng mga residente doon.

Gaya ni Venus, manggigising din sa umaga ang sexy half-Aussie host-ac­tress na si Iya Villania na maghahain ng patok na videos sa segment na Youth Tube.

Kabahagi na rin ang mga manonood gamit ang Facebook at Twitter.

“Ang viewers natin ay talaga namang on-the-go dahil karamihan ay papasok sa eskuwela o sa trabaho kaya naman gusto namin sa UKG na kasama pa rin namin sila kahit nasaan sila. Gamit ang social networking sites, maaari silang makakuha pa rin ng impormasyon at makapagbahagi rin gamit lamang ang kanilang computers o cell phones,” sabi ni Cheryl Favila, supervising producer ng ABS-CBN news.

Ihahatid naman ni Pinky Webb ang mga makatawag-pansing videos na isusumite ng mga concerned citizens sa Webb Report.

Tuturuan naman ni Donita Rose ang mga young moms ng practical art works at crafts na maaari nilang gawin sa kani-kanilang mga bahay sa segment na Do It Yourself.

Gagabayan naman nina Winnie Cordero at Alex Santos ang mga mamimili at mga magulang sa kanilang Consumer, Parenting, and Relationship segment.

Obviously, natanggal sa programa sina Rica Peralejo at Ginger Conejero.

Show comments