We’re back! Dumating kami kahapon mula sa Paris, France at sumakit ang katawan ko sa mahabang biyahe. Nakasabay ko sa flight si Mario Katigbak, ang general manager ng Philippine branch ng Hermes.
Maliit talaga ang mundo dahil nang dumalaw ako sa bahay ni Mama Babette sa Paris noong Miyerkules, naikuwento niya na may dinner sila ni Mario na isa sa kanyang mga kaibigan sa Pilipinas.
Nagkataon na co-passenger ko si Mario sa Paris-Hong Kong, Hong Kong-Manila flight kaya alam din niya na nagkita kami ni Mama Babette. What a small world talaga.
* * *
Bale nawala lang ako ng limang araw, dalawang araw na naubos sa biyahe at tatlong araw sa Paris.
Nakita ko na noon ang Louvre Museum kaya hindi na ako sumama sa tour sa pinakabonggang museum sa buong mundo. Mas pinili ko ang matulog at kung kailan ako hindi lumabas ng bahay, saka naman gumanda ang panahon sa Paris. Sumikat ang araw kaya nabawasan ang ginaw.
Maliban sa mga presscon na invited ako at hindi ko nasipot, wala akong na-miss na big showbiz news sa Pilipinas. Nagpasabi sa akin ang Tweetbiz na mag-report ako sa mga nangyayari sa Paris via phonepatch pero hindi natuloy dahil full rest ang aking ginawa.
Na-discover ko rin sa Paris ang kagandahan ng iPad dahil napanood ko dito ang lahat ng pelikula na type ko kaya sa susunod na may mag-regalo sa akin ng iPad, hindi ko na ipamimigay.
* * *
Wala nang dapat ipag-emote ang mga fans nina Barbie Forteza at Joshua Dionisio dahil binigyan sila ng bagong show sa GMA 7, ang Nita Negrita.
Kabilang ako sa mga nakatanggap noon ng mga e-mails mula sa mga tagahanga nina Barbie at Joshua. Nagrereklamo sila dahil hindi pa nabibigyan ng sariling show ang kanilang favorite love team.
Pero ngayong may show na ang mga idolo nila, may emote pa rin ang mga fans nina Joshua at Barbie. Hindi lang emote ang kanilang ginagawa dahil nang-aaway sila ng mga reporters.
Hindi tama ang pang-aaway nila sa entertainment press dahil makakaapekto ang kanilang ginagawa sa love team na sinusuportahan nila.
Hindi dapat gayahin nina Joshua at Barbie ang mga fans ng isang love team na nang-aaway at nagpapadala ng mga death threats dahil magiging nega sila sa mata ng mga tao, pati na ang mga artista na kanilang sinusuportahan.
* * *
May mga estudyante na pinag-aaral si Sen. Bong Revilla, Jr. sa pamamagitan ng kanyang scholarship foundation.
Mga bata na matatalino at future leaders pero hindi makapag-aral dahil sa kahirapan ang mga estudyante na nakikinabang sa scholarship foundation ni Bong.
Sa bawat project at mga endorsements ng senador, palaging may share ang mga bata na pinag-aaral dahil naniniwala si Sen. Bong na ang mga kabataan ang pag-asa ng ating bayan.
* * *
Nakita ko kahapon sa magkabilang side ng EDSA ang malalaking billboard ng I Heart You Pare.
Sina Regine Velasquez at Dingdong Dantes ang mga bida kaya sila ang nakalagay sa billboard. Kakaiba ang billboard dahil hindi natakot si Regine na paglaruan ang kanyang mukha para malaman ng mga tao na romance-comedy ang TV series nila ni Dingdong.
Magsisimula sa Lunes ang I Heart You Pare dahil ito ang papalit sa timeslot ng Beauty Queen na nag-babu kagabi sa TV.