Sen. Trillanes ayaw mag-artista pero feel si Greta

Kung mag-aartista ang Man of the Hour na si Sen. Antonio Trillanes at ginawang isang Regal baby ni Mother Lily Monteverde, gusto niyang makapareha si Gretchen Barretto. Kung bakit ay hindi na niya nilinaw bilang pagbibigay halaga sa kanyang ginang na kasama niya nung gabing big­yan siya ng parangal ng matriarka ng Regal Entertainment, Inc. at imbitahan sa pagdiriwang nito ng Chinese New Year.

Hindi na kailangan ng paglilinaw pa ng mabun­ying senador dahil agad niyang sinabi na ayaw niyang mag-artista, wala siyang talento rito. Mas gusto niyang ipagpatuloy ang sinimulan niyang gawain na pagpapanatili ng peace and order sa bansa.

Bagama’t tinatawag na siyang susunod na pa­ngu­lo ng bansa, sinabi nang nakalayang senador na anuman ang maging posisyon niya sa gobyerno ngayon at maging sa mga darating na panahon, mananatiling prayoridad niya ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong bansa. Pangarap niyang makitang nae-enjoy ng mga tao ang kanilang buhay at mang­yayari lamang ito kapag may peace and order.

 “Hindi kailangang maging pangulo ako ng bansa para maisulong ito,” ang pangako niya sa bonggang selebrasyon ng Chinese New Year na dinaluhan hindi lamang ng maraming taga-showbiz kundi ma­ging ng mga personalidad sa TV tulad nina Korina Sanchez, dating senadora Nikki Coseteng, Rizal Governor and Mrs. Junjun and Andrea Henares, mga Regal babies tulad ni Carla Abellana, ang Royale Era sa pangunguna nina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama, directors Joel Lamangan, Jose Javier Reyes, and Elwood Perez at pagkarami-raming entertainment media. Nakita ko rin ang nakalaya na ring si Col. Ariel Querubin na wala ng boses sa kabibigay ng interview tungkol sa nagaganap ngayong eskandalo sa military.

Pinasalamatan ni Sen. Trillanes si P-Noy sa ginawa nitong pagpapalaya sa kanila ng mga kasamahan niyang na-involve sa isang mutiny.

“Indebted ako sa kanyang magnanimity. Kahit hindi siya sinuportahan ng grupo ko nung eleksiyon. Isa siyang mabuting tao,” pahayag ni Sen. Trillanes.

*    *    *

May gaganaping fun run o run for a cause ang Imus Institute bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-88th foundation ng eskwela. Magaganap ito sa Feb. 13, 5 a.m.

Layunin ng fun run na maitaguyod ang magan­dang kalusugan, physically, and mentally at ma­tu­lu­ngan ang mga mahihirap na mag-aaral ng ba­ran­gay Malumot at ng paaralang elementarya ng Palico, Imus, Cavite. Sa mga interesado, maaaring tumawag sa secretariat office, (046) 5150080, 0915-3661471, at 0917-5584249.

Sa isang pakikipag-usap sa mga opisyal ng Imus Institute sa imbitasyon ni direktor Randy David, napag-alaman ko na may 3,000 mag-aaral ito sa high school at 600 sa kolehiyo. Sa paaralang ito nagsimulang mag-aral si Sen. Bong Revilla, Jr. at ang tatlo niyang kapatid na babae pero hindi sila dito nagtapos.

*    *    *

Baka gumawa pa ng history ang Valentine movie ni Richard Gu­tier­rez with three leading ladies, namely Rhian Ramos, Lovi Poe, Solenn Heussaff, at Eugene Domingo bilang pe­likulang may pina­­ka­mara­ming hali­kan.

At balitang hindi lamang halikan ang mga naganap kundi talagang laplapan pa. Hindi nga nakatulog ng dalawang gabi si Eugene matapos makunan ang kissing scene niya with the actor. But then hindi naman nakikipag-halikan lang si Uge sa kanyang movies, talagang laplapan to the max siya. At maski na ang mga sweet at whole­some na sina Lovi at Rhian ay sumabak din ng halikan.

Pero ang dapat pa­ka­abangan ay ang kissing scene nina Richard at Solenn dahil matagal daw ito.

Show comments