Dingdong ayaw pumayag sa role na bading

Sino ba ang mag-aakala na ang isang programa na tulad ng Walang Tulugan with the Master Showman ay tatagal ng 15 taon sa ere? Bukod sa madaling araw na ito ipinalalabas ay wala ring eksaktong oras ang pag-ere nito. Depende sa kung anong oras natatapos ang mga nauunang programa. Kung may isang programa na nag-overtime, umuusad din ang oras ng airing namin. Minsan nga natatakot ako na baka kapag may dalawa o tatlo pang programa na sumobra sa oras ay baka maging morning show na kami. Eh ang intensiyon ay ini-air kami ng midnight or an hour past midnight lang.

Pero nawala na rin ang takot ko para sa show. We have proven na anumang oras kami umere, hinihintay pa rin kami ng mga manonood.   

Salamat sa maraming nagtitiyagang manood ng show, dahil sa inyo, pinagaganda namin ang programa. Ako, I go out of my way para makapag-interview ng artista, Kapuso, Kapamilya, o Kapatid man. Marami nga ang nagugulat kapag nakikita akong pumupunta sa ibang networks. Akala nila nakikipag-negotiate na ako pero sa totoo lang, nag-i-interview ako.

Happy ako sa Walang Tulugan dahil kung gaano ka-late itong ipinalalabas dito, sa ibang bansa nasa primetime ito. Nakaka-dalawang ulit pa ng pagpapalabas nito sa isang araw. I’m proud to say na sa ibang bansa, nasa Top 3 ako pero mas madalas No. 1.

Sa Saturday, live kami, dahil 15th anniversary nga namin. Watch kayo at siguradong masisiyahan kayo. Marami kaming mga inihandang special numbers para sa inyo. Kita-kits tayo!

* * *

O, excited na naman tayo dahil may nakapasok na namang Fil-Am sa Ame­rican Idol (AI). Sana umabot si Thia Megia hanggang sa katapusan para maging maganda ang panonood natin. Ganito naman tayong mga Pinoy, kahit ’di manalo ang kababayan natin, makasama man lang siya sa semi finals okay na. Like what happened to Maria Venus Raj na ngayon ay talagang iniidolo na natin dahil sa maganda niyang performance sa 2010 Miss Universe.

Sa mga Pinoy, mas susubaybayan ang AI dahilan kay Thia at hindi kay Jennifer Lopez. Pero parang interesting si Steven Tyler.

* * *

May masama ba kung ayaw ni Dingdong Dantes na mag-portray ng role ng isang bakla, sa TV man o pelikula? Sabi niya, hindi pa niya ito magagampanan ng maayos.

Naitanong ito kay Dingdong dahil ang galing ni Paolo Balleteros sa kanyang pagganap bilang Vodka sa serye nilang I Heart You Pare. Hindi lang ito maga­        ling, ang ganda-ganda pa niya. Hindi mo aakalain na isa siya sa mga pinaglilibot ng Eat Bulaga sa mga ba­rangay sa segment ng noontime show na Juan for All All for Juan Bayanihan of the People. Pero napapansin ko, tinutukso na siyang palagi ng kanyang mga kasamahan at tinatawag na sa pangalang babae pero never siyang umalma. Nagladlad na ba siya?

Going back to Dingdong, siguro nga hindi pa niya kayang maging bading. Let’s give him time at baka bukas makalawa, kakayanin na niya. Meanwhile, let’s give the floor sa mga seasoned actors na gumanap ng bakla. Wala namang nawawala sa kanila, maipapakita pa nga ang versatility nila.

* * *

Napaka-ironic talaga ng buhay. Sina Phillip Salvador at Kris Aquino ay nagkaroon ng relasyon na nagbunga sa pagkakasilang kay Joshua. Ngayon meron na namang nagbabalak na pagsamahin sila sa isang movie pero hindi na sila ang magkapareha. May iba nang leading man si Kris at kontrabida na lamang si Phillip. Tsk.

Pumayag kayang magsama ng dalawa sa isang pro­yekto? Pero sinasabi naman nila na okay sila, if only for Josh’s sake.

Sana nga makita natin sila sa isang pelikula. Makatutulong ng malaki si Kris para ma-revive ang career ng ama ng kanyang panganay. Sana she will find it in her heart na i-extend ang kanyang generosity and professionalism sa kanyang ex. Kung puwede silang maging amicable ni James Yap, bakit hindi ni Phillip?

Show comments