Kapatid ni Cinderella, kilalanin

MANILA, Philippines - Tunghayan ang isang makabagong Cinderella story sa primetime sa pagsisimula ng hit Korean romantic drama na Cinderella’s Sister ngayong Lunes (Jan. 17) sa ABS-CBN.

Kilalanin si Zaren (Moon Geun Young), isang dalagang lumaking malaya at walang interes sa buhay matapos siyang lumaki kasama lamang ang ina na lagi namang umaasa sa mga lalaking kinakasama niya.

Magbabago ang kanyang buhay sa pagpapakasal ng kanyang ina sa mayaman at halos perpektong si David at sa paglipat nila sa bahay nito.

Bagama’t isang marangyang buhay na ang kanyang tinatamasa, pakiramdam pa rin ni Zaren ay hindi siya nababagay dito. Mas lalong magugulo ang mundo niya sa pagpasok ng stepsister niyang si Briana (Seo Woo) na talaga namang mahal at paborito ng lahat. 

Iinit nga ang tension sa pagitan nilang dalawa lalo pa’t pakiramdam ni Zaren ay binibigyan si Briana ng kalinga at atensiyon ng kanyang ina na ni minsan ay hindi niya nadama.

Wala naman sanang tangkang mang-agaw si Briana sa halip, gusto nitong maging tunay na magkapatid ang turingan nila ni Zaren. Ngunit, ganito pa rin kaya ang kanyang pakikitungo kapag natuklasan niya na ang kanyang prince charming na si Timothy (Chun Jung Myung) ay nakatuon ang mata kay Zaren?

Huwag palalampasin ang pag-uumpisa ng Cinderella’s Sister ngayong Lunes pagkatapos ng Martha Cecilia’s Kristine sa ABS-CBN.

Show comments