Oyo iniisip pa rin ang pinsang si Miko, nailagay sa marriage contract ang pangalan

TRUE : May eksena palang nangyari sa kasal nina Oyo Sotto at Kristine Hermosa na kung saan umiyak ang tiyuhin ni Oyo na isa sa mga ninong, si Maru Sotto.

Pipirma na raw sana si Maru sa marriage contract nina Oyo at Kristine, pero hindi raw nito napigilang maiyak nang nakita ang pangalan nito sa marriage contract.

Ang buong pangalan ni Maru ay Marcelino Antonio Sotto II, pero ang naka-print sa marriage contract ay Marcelino Antonio Sotto III na tunay na pangalan ni Miko.

Sobrang close sina Oyo at Miko, kaya maaaring si Miko ang nasa isip nito nang tinanong ang buong pangalan ng Tito nitong si Maru.

TANONG : Wala na nga bang balak si Sarah Geronimo na sagutin pa ang isyu nila ni Cristine Reyes at Rayver Cruz?

Sa presscon ng nalalapit nilang concert ni Martin Nievera, iniiwasan ni Sarah na sagutin pa ito dahil kung magsasalita pa raw siya ay baka lalo lang lumaki pa at maulit na naman ang gulo.

“Kasi wala naman po talaga akong galit sa kanya. Siguro naayos naman po. Siguro may tamang oras para magsalita tungkol diyan, pero sa ngayon ay ayoko na po muna talagang magsalita,” sagot ni Sarah na talagang paiwas.

Nagpapasalamat na lang siya sa lahat na kumampi at nagsalita para sa kanya dahil doon niya nakikita kung gaano siya kamahal ng mga malalapit niyang kaibigan.

Ang Valentine concert nina Sarah at Martin na What Love Is ay gaganapin sa Araneta Coliseum sa Feb. 18.

Malamang, hindi doon magdi-date sina Cristine at Rayver.

TOTOO KAYANG hanggang ngayon ay hindi pa rin binabayaran nitong kilalang aktres ang makeup artist na malapit naman sa kanya pagkatapos siyang ayusan sa tatlong araw na taping nito?

Mahal naman kasi ni makeup artist itong kilalang aktres kaya kahit may regular na trabaho ito, kinansela niya nang pinakiusapan ito ni aktres na ayusan siya sa three-day taping sa isang drama anthology.

Nalaman pa ni makeup artist na P250,000 ang talent fee sa taping na ’yun ni kilalang aktres kaya inaasahan niyang mababayaran naman siya ng medyo bongga.

Pero nung nakaraang taon pa ang taping na ’yun at naere na ang episode pero hanggang ngayon ay wala pa ring kabayarang dumating kay makeup artist.

Hindi naman kasi ganun kalaki ang kinikita ngayon ni kilalang aktres dahil bihira na lang siya kinukuha kaya lagi itong kinakapos.

Nang nakuha nga ang tsekeng talent fee sa taping, naghanap na ito ng magpapalit sa cash at hindi na nahintay na mai-clear sa bangko. Nagpatulong pa nga sila kay makeup artist na makapaghanap nang mapapalitan at tinulu­ngan naman ito, pero pagkatapos mapalitan ang tseke, wala pa ring pay ang pobreng makeup artist.

Para makaganti, itsinismis na lang sa amin ni makeup artist ang istorya nila.

TSIKA LANG : Kaagad nakasanayan ng baguhang young actress na si Louise delos Reyes ang kanyang buntot na ga­gamitin sa bagong telefantasya sa hapon na Alakdana.

Hindi siya nabigatan nang isinukat ito sa kanya, kaagad na naramdaman niyang na­ging bahagi na ito ng katawan niya.

Ganun ka-excited si Louise sa project na ito na magbibigay ng malaking break sa kanyang career.

Magsisimula na ito sa susunod na linggo pagkatapos ng Eat Bulaga. Ang baguhang si Alden Richards ang katambal niya rito kasama si Paulo Avelino na lalong gumanda ang katawan.

Show comments