Kung si Solenn Heussaff ay apektado nang tinawag na maganda pero ‘bimbo’ sa isang French docu, wala namang ganitong reaksiyon na nagmumula kay Ruffa Gutierrez. Kasama si Ruffa sa babaeng pinuri-puri sa kagandahan pero sinabing mga bobo sa nasabing palabas. Nagdi-demand ng isang public apology mula sa sumulat si Solenn dahil nainsulto raw siya. Pero si Ruffa dedma lang. Katuwiran nito, kilala niya ang kanyang sarili, at alam niyang maging ang publiko na humahanga at tumitingala sa kanya ay hindi maniniwalang bobo siya.
Kasalang Oyo at Kristine puno agad ang venue
Natuloy na rin pala ang kasal nina Oyo Sotto at Kristine Hermosa sa Nasugbu, Batangas. Isang Christian wedding ito na ginanap sa Balay Isabel, sa nasabi ring bayan, at dinaluhan ng pamilya lamang ng mga ikinasal, ilang piling mga kaibigan at kamag-anak.
Dumating ang pamilya ni Kristine mula Canada para saksihan ang kasal nito. Natupad naman ang kahilingan ng mga ikinasal na maging pribado ang nasabing event na malayong mangyari kung dito sa Kamaynilaan ito ginanap.
Parehong kilalang personalidad sa showbiz ang dalawa, lalo na si Oyo na halos ang buong pamilya ay mga sikat na artista tulad ng mga magulang niyang sina Vic Sotto at Dina Bonnevie, ang kapatid niyang si Danica na asawa ng sikat ding basketbolista na si Mark Pingris. Ang angkan naman ni Oyo, ang mga Sotto, bukod sa showbiz ay mga kilala ring pulitiko magmula sa lolo nito hanggang sa kanyang mga tiyuhin at mga pinsan. Sa pamilya Sotto lamang ay mapupuno na ang venue na siya namang nangyari. Masaya ang buong angkan sa kasal ng bunso nina Vic at Dina.