Naging very private ang relasyon nina Rayver Cruz at Cristine Reyes noong nakaraang taon. Marami ring pinagdaanan na kontrobersiya ang dalawa. Ngayon ay very open na sila sa kung anuman ang namamagitan sa kanila.
“Parang nararanasan ko ngayon na parang maging open ’yung hindi ka na ngayon magtatago. ’Yung kung ano ang gusto mo, manood ng sine o kumain sa labas, okay lang. Mas masarap ’yung feeling na ganito, basta tuwang-tuwa lang ako ngayon,” nakangiting bungad ni Cristine.
“Noong bakasyon as in every day ay magkasama kami as in hindi mo kami mapaghihiwalay. Alam mo ’yung kapag napaghiwalay mo kami ng isang araw mami-miss mo na siya agad.”
Masayang-masaya rin ngayon ang kanyang pamilya sa relasyon nila Rayver.
“Sabi ng mommy ko, kapag magdarasal ka, ibibigay naman sa ’yo ni Lord ’yan, so feeling ko ito na iyon. Kasi siyempre lahat ng magulang gusto mamahalin ka rin naman. Nakakapanibago kasi dati ay parati nila akong pinipigilan. Ngayon, nakakapanibago lang kasi sila pa ’yung parang, ‘Ay ayusin mo ’yan. Makipagbati ka dun, ’wag mong awayin ’yun.’ Kapag may hindi kami pinagkakasunduan, ako ’yung palaging pinagsasabihan ng family ko. Siya ’yung palaging sa kanya nakakampi,” dagdag pa ni Cristine.
Bihira rin silang magkatampuhan ni Rayver pero mayroon ding kaunting selosan.
“Magloloko lang siya, ganyan-ganyan, pero hindi siya ’yung seryosong selos na talagang pag-aawayan. Kasi feeling ko para sa akin ay hindi healthy ’yung nagseselos palagi. Ibig sabihin lang nun ay wala kayong trust sa isa’t isa. Kapag ako naman ang may kasalanan, alam ko naman sa sarili kong kasalanan ko talaga, ’yun nagso-sorry naman ako sa kanya. Oo, naglalambing ako sa kanya na sorry na,” paglalahad pa ni Cristine.
Shaina hindi kayang layasan ang pagsayaw
Inakala ng lahat na patay na ang character ni Shaina Magdayao sa serye niyang Alyna dahil sa kakaibang twist ng kanilang istorya. Muling mapapanood si Alyna para sa bagong yugto ng programa.
“Buhay po ako, sana po ay suportahan ninyo ang book two namin. Maraming bagong kuwento, maraming bagong twists. Maraming characters silang mas makikilala at hopefully ay mamahalin din nila,” reaksiyon ni Shaina.
Totoo kaya ang balitang iiwan na ng dalaga ang pagsasayaw sa ASAP para makapag-concentrate sa kanyang teleserye? “Hindi ko kayang iwan, dancing and performing, parang na-develop ’yung passion ko at pagmamahal ko for it. Mas nakakaganang magtrabaho dahil kapag nasa taping ako, isa akong aktres, ako si Alyna pero kapag nanonood sila ng ASAP, nakikita nila si Shaina na dancer at performer. ’Di ko iiwan ’yun para iba’t ibang Shaina ang makikita ninyo,” paglilinaw ng young actress. Reports from JAMES C. CANTOS