Hindi ang kumanta ng national anthem sa laban ni Manny Pacquiao ang dream ni Ogie Alcasid, kundi ang manood ng laban ni Pacquiao.
“Mas gusto kong manood ng boxing,” parang batang sabi ni Ogie.
May laban si Pacquiao kay Shane Mosley sa May 7, sa MGM Grand Hotel sa Las Vegas, pero kung magbubuntis ang ‘wifey’ niyang si Regine Velasquez, gustuhin man niyang manood, hindi pupuwede. Ang pagbubuntis din ni Regine ang magiging rason ‘pag hindi natuloy ang pinaplano nilang honeymoon sa Postano, Italy dahil mas importante ang kalusugan nito kesa honeymoon.
First time rin naming narinig na inamin ni Ogie na fan siya ni Rob Lowe at isa ang actor sa rason kung bakit pinapanood niya ang Brother and Sister. “Peg ko si Rob Lowe, gusto kong maging Rob Lowe,” wika ni Ogie.
Anyway, ipararating namin kay Ogie ang reklamo sa kanya ng solid fans ni Regine na hindi nagustuhan ang pagkukuwento niya ng personal at private moments nila ng asawa. Nag-email sa amin si Kirsten Alarcon para sabihing nabastusan sila kay Ogie at nakiusap na ‘wag na nitong uulitin ang mga tsikang ganun dahil si Regine ang nanenega. Ayaw din ni Kirsten na nag-aaway ang solid fans ni Regine at ang Og-Re o fans nina Ogie at Regine.
Isa kami sa nag-interview kay Ogie sa presscon ng I Valentine U concert nila ni Pops Fernandez sa Crowne Plaza Hotel Grand Ballroom sa February 12 at ina-assure namin si Kirsten na walang masamang ibig sabihin si Ogie sa mga ipinahayag at nasulat. Pero ipararating pa rin namin kay Ogie ang mga hinaing at request ninyo.
rosario isasali sa 15 international film festivals
Isang masayang Albert Martinez ang nakausap namin sa phone the other day at ibinalita nitong extended sa ilang theaters ang Rosario na kanyang dinirehe. Natawa ito sa biro naming nakatulong ang controversy ng movie sa awards night ng MMFF dahil naging curious ang tao at pinanood ang pelikula.
Nagpapasalamat si Albert dahil mas maraming positive feedback sa movie ang nakakarating sa kanya. Kinumpirma nitong maglalabas ang Cinemabuhay at Studio 5 ng Director’s Cut ng movie, pero hindi pa sa March, kundi next year sa Blue Ray form. Hindi rin aabutin ng three hours, kundi two hours and 25 minutes lang ang Director’s Cut ng pelikula na pinagbibidahan ni Jennylyn Mercado.
Pagkatapos maipalabas dito, dadalhin nina Albert sa iba’t ibang international film festival ang Rosario at ang latest na bilang niya’y, sa 15 international filmfest nila isasali ang pelikula.
Arnell Ignacio wala nang radio show
Tama ba ang narinig naming wala na si Arnell Ignacio sa radio show niya sa DzBB? Ang hindi malinaw sa amin ay kung nag-resign siya o na-pirate ng isang bagong kabubukas na radio station.
Si Arnell o ang manager niyang si Annabelle Rama lang ang makasasagot sa isyung nag-resign o na-pirate si Arnell. Hindi mawawalan nang ikukuwento sa kanyang radio show si Arnell dahil sa sarili pa lang niya, marami na siyang puwedeng ikuwento.
Ang alam namin, nagra-radio muna si Arnell habang naghihintay ng show sa GMA 7. Ngayong wala na siya sa DzBB, magkakatrabaho na ba siya sa Channel 7? Nagtatanong lang kami!
Julie Ann niri-request ng fans na madagdagan ng trabaho
Si Julie Ann San Jose ang kumanta ng theme song ng Dwarfina entitled Tangi Kong Hiling at wish ng fans nito na mag-guest ang dalagita sa ibang shows ng GMA 7 para mapanood nila dahil sa Party Pilipinas lang nila nasisilayan ang singer.
Ang next na hinihintay ng fans ay kung kailan bibigyan ng break ng network sa acting si Julie Ann. Matagal na raw silang nagre-request na isama ang dalagita sa Tween Hearts o sa teleserye ng Channel 7, pero hindi sila pinakikinggan.
Ang request nila’y pagtambalin sina Julie at Elmo Magalona dahil sayang ang lakas ng loveteam ng dalawa kung sa Party Pilipinas at kung every Sunday lang sila napapanood.
Tuloy pa kaya ang plano ng GMA Artist Center na i-push ang Julie Ann-Elmo love team after pumirma ng kontrata si Elmo sa GMAAC?
Matagal nang nakapirma ng kontrata si Elmo at mga kapatid, pero wala pa kaming nababalitaang project nila together ni Julie Ann!