TRUE : Bukas ay paparangalan ang mga napiling Most Outstanding People ng People Asia Magazine, at isa rito si Dingdong Dantes.
Sa 12 na napili, tanging si Dingdong lang ang artistang napasali at si Mike Enriquez naman sa larangan ng broadcasting.
TANONG : Tuluy-tuloy pa rin pala ang kasong isinampa ni Yasmien Kurdi kay Baron Geisler?
Dahil hindi raw sinisipot ni Baron ang hearing ng kaso, lalo raw nairita si Yasmien kaya pinursige nito ang kaso. Kaya sa susunod na linggo ay naka-schedule na ang arraignment na kailangang harapin na ni Baron.
Sisipot daw si Yasmien at nakahanda siyang harapin muli ang aktor.
TOTOO KAYANG sa Hong Kong nakuha ni Jennylyn Mercado ang virus na naging sanhi nang pagkakasakit nito at pagka-hospital ng ilang araw?
Iyun ang duda ng mga taong malapit sa aktres dahil dumaan daw ito sa ilang tests, pero negative naman ang resulta. Maaring viral infection lang daw ito na nakuha niya sa Hong Kong pagkatapos nilang magbakasyon doon ni Dennis Trillo.
Mahina pa rin daw si Jennylyn pagkalabas nito ng hospital, kaya pinagpapahinga pa rin muna ito para makabalik na sa taping ng Little Star bukas.
TSIKA LANG : Naabot ng mga taga-Metro Manila Film Festival ang target nilang 500 million pesos na kita sa box-office ng walong pelikulang kalahok.
Nakausap namin si Mr. Ric Camaligan na miyembro ng Executive Committee ng MMFF at tuwang-tuwa siyang ikinuwento sa amin na nung Huwebes pa lang ay halos 516 million pesos na ang kinita nito kaya masasabing ito na ang pinakamataas na box-office returns sa kasaysayan ng MMFF.
Ang Si Agimat at si Enteng Kabisote ang number one na nung Huwebes pa lang ay mahigit P160 million na ang kinita nito. Pumangalawa ang Tanging Ina Mo, Last Na To, pangatlo ang Dalaw, sumunod ang Shake, Rattle and Roll 12, RPG Metanoia, Super Inday and the Golden Bibe, Rosario at Father Jejemon.
Dagdag na kuwento ni Mr. Camaligan, malaki talaga ang kinita ng top three sa box-office at hindi naman maganda ang resulta ng nasa bottom three.