MANILA, Philippines - Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng radyo sa Pilipinas, magtatambal sa iisang programa ang dalawa sa malaking broadcast journalist na sina Noli De Castro at Ted Failon simula Lunes (Jan 10) sa DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM TeleRadyo.
Magkasamang ilalahad nina De Castro at Failon ang pinakamaiinit at pinakamalalaking balita sa bansa sa Radyo Patrol Balita Alas Siyete. Sasamahan din ni Failon si De Castro sa 7:30 a.m. edition ng news and commentary program na Kabayan, kung saan tatalakayin nila mula Lunes hanggang Biyernes ang mga mahahalagang isyu sa bansa.
Ipagpapatuloy din ng dalawa ang kani-kanilang mga programa sa DZMM sa mga bago nitong timeslot. Ang Kabayan ni De Castro ay eere tuwing 6:00 a.m., habang ang Tambalang Failon at Webb ni Failon at Pinky Webb ay nasa mas maagang timeslot na ng 8:00 a.m.
Ang pinagsanib na puwersa ng dalawang tanyag na pangalan sa radyo at telebisyon ay isa lang sa mga dapat abangan sa mas pinatinding programming ng DZMM mula Lunes hanggang Biyernes.
Nariyan din ang araw-araw na pagbabalita at pagseserbisyo ng multi-awarded news anchor na si Julius Babao sa kanyang Radyo Patrol Balita Alas Dose tuwing 12:00 nn at Akyson Ngayon kasama si Kaye Dacer tuwing 11:00 a.m.
Abangan din ang radio legend na si Jun Banaag o mas kilala bilang Dr. Love mula 1:00 p.m. hanggang 3:00 p.m. para sa isang sound trip sa mga standard at iba pang klasikong kanta.
Samantala, gigisingin naman nina Gerry Baja at Anthony Taberna ang bayan sa pamamagitan ng kanilang komentaryo sa Dos Por Dos sa mas pinaaga nitong timeslot na 5:00 a.m.
Ayon sa ABS-CBN Head ng Manila Radio na si Peter Musngi, ang mga pagbabagong ito ay naglalayong mas gawing epektibo ang programming ng DZMM na siyang nangunguna sa radio broadcasting.
“2010 ‘yung pinakamalaki at pinakamatagumpay na taon para sa DZMM. Nanalo tayo ng higit 20 awards at nanguna tayo sa ratings sa radio at cable TV,” sabi ni Musngi.
* * *
Ang bilis naman ng ending ng Koreanovela sa ABS-CBN na Perfect Match. Kagabi, na natapos na ito. At in fairness, kilig-kiligan ang mga eksena. Walang effort ang dalawang bida na magpakilig, natural lang.
Simple lang ang story ng Perfect Match pero very Pinoy kaya maraming kinikilig na mga nanonood sa nasabing palabas ng Dos.
* * *
Ay may nagri-react palang fans sa kuwento ni Ogie Alcasid sa ‘ginagawa’ nila ng misis niyang si Regine Velasquez. Conservative pala ang ilang fans ng songbird. Masyado raw personal ang mga kuwento ni Ogie at parang hindi na raw nito nirespeto ang privacy nilang mag-asawa.
Pero teka, hindi na naman bata ang mag-asawang Ogie at Regine. May masama pa ba sa ginagawa nila eh naghahabol na nga sila ng oras?
Wala na sa kalendaryo ang edad ni Regine kaya kailangan na niyang magdali or else baka ‘maiwan’ na siya kaya ‘wag nang maging killjoy ang mga fans niya.
Hindi na bagets si Regine no. Sobra-sobra na siya sa edad para magkaanak.
* * *
Isa pang reklamo sa e-mail ang natanggap namin.
Grabe raw ang murahan sa isang musical variety show.
Yung PI raw ay ordinaryong salita na lang kaya sana ay makita ito ng Movie and Television Review ang Classification Board (MTRCB) na pinamumunuan ni Madam Grace Poe-Llamanzares.
Hindi raw sila regular na napapanood sa programa pero naalarma raw sila nang minsang manood sila eh may nagmurang contestant samantalang nasa ere sila. Sana raw ay mapantuunan din ito ng pansin ng MTRCB.