MANILA, Philippines - Iba’t ibang eksena ang nasilip ng Patrol ng Pilipino sa naganap na Parade of Floats ng Metro Manila Film Festival noong Disyembre 24 at sa sumunod na Gabi ng Parangal nito noong Disyembre 26.
Naging saksi si Ginger Conejero hindi lang sa likas na hilig ng mga Pinoy sa artista kundi pati na rin sa mga namumuong isyu at kontrobersiya tampok ang mga nagsipagganap sa walong pelikulang kasali sa festival. Kung mayroong nagwagi, mayroon ding ora-oradang umuwi.
Samahan siya sa kanyang masusing pagsubaybay sa mga kaganapan sa likod ng kamera na nagpapakita na ang bawat parada ng artista ay may kaakibat na intriga ngayong Martes (Jan 4) sa Patrol ng Pilipino.
Samantala, makikitambay naman si TJ Manotoc sa bilyaran kung saan nakita at naintindihan niyang ang mundong ginagalawan ng mga nagnanais maging Efren “Bata” Reyes at Django Bustamante. Ang isport ba nila ay bisyo lamang o may matimbang na benepisyong hatid sa kanila?
Abangan ang sagot sa Patrol ng Pilipino pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.