Isang malaking break na maituturing ni Jake Vargas ang mapili para kumanta ng theme song ng pinakabagong Koreanovela ng GMA 7 na magsisimula nang mapanood sa Lunes, Enero 3, ang Baker King. Ang kantang Maghihintay sa Iyo ang pinili ni Joey Abacan, isa sa mga bossing ng Kapuso Network, para maging theme song ng serye. Kuha ito sa debut album ni Jake na inilabas ng Dyna Music at nagkakaubusan na sa mga record bars.
* * *
Nakikiramay ako sa pagyao ng dakilang nobelista at isang sikat na pangalan sa komiks na si Pablo S. Gomez. Marami kaming pinagsamahan ni Ambo (palayaw sa kanya) at matagal kaming nagkasama simula nung nagtatrabaho pa ako sa Clover Theater hanggang sa kanyang pagyao. Tambayan nila ang Clover nung late ’50s at kahit hindi pa ako artista dinadala-dala na niya ako sa mga pistahan nung araw para ako kumita. Lahat ng nobela niya na ginawang pelikula ng Sampaguita Pictures ay kasama ako. Pero hindi siya ang naging susi para ako makapag-artista, si Mrs. Azucena Vera-Perez ang nakadiskubre sa akin. Bago sa pelikula ay ginawa niya akong host, emcee pa ang tawag dito nun, sa lahat ng palabas sa Life Theater. Dito nagsimula ang aking career sa showbiz. Nagkatulungan kami ng husto ni Ambo kaya hanggang sa bago ang kanyang kamatayan ay malapit kami sa isa’t isa. Ikinalulungkot ko ng labis ang kanyang pagyao. Nakikiramay ako sa mga naulila niya.
Nakikiramay din ako sa mga naiwan ni Maria Victoria, dating producer ng Tower Productions, na kung saan gumawa ng maraming pelikula si Nora Aunor. Nagkasabay kami sa Sampaguita Pictures hanggang sa bumuo sila ni Direk Temyong Marquez ng sarili nilang movie production outfit. Nakakalungkot kapag isang kaibigan ang namamaalam sa mundong ito pero isang bagay ito na kailangan nating harapin at tanggapin. Sumalangit nawa ang inyong mga kaluluwa.
* * *
Kahit hindi pa matapus-tapos ang kontrobersiya at gulo na nilikha ng Metro Manila Film Festival Awards Night na ginanap sa ikalawang araw pa lamang nang pagpapalabas ng mga pelikula, naniniwala pa rin ako na kailangang tapusin muna ang pagpapalabas ng mga pelikula bago ganapin ang pagpaparangal sa lahat ng pelikula at taong involved sa gumawa ng mga ito.
Kahit ano pa ang sabihin, naaapektuhan ang mga kasaling pelikula. Sa halip na panoorin ang ibang pelikula, ’yung mga nananalo na lamang ang pinanonood. Akala yata eh walang kuwenta ’yung mga hindi nanalo. Ako, naniniwala na dapat may element of surprise. Kapag nalaman agad ng publiko ang verdict, disgrasya na ’yung iba. Kawawa ’yung ibang prodyuser.