TRUE: Hinakot ng pelikulang Ang Tanging Ina Mo Rin Last Na ’To ang halos lahat na major awards sa awards night ng 36th Metro Manila Film Festival (MMFF) na ginanap sa Meralco Theater Linggo ng gabi.
Big winner si Mang Dolphy dahil siya ang hinirang na best actor mula sa pelikulang Father Jejemon at siya rin ang napiling best supporting actor para sa pelikulang Rosario. Pero wala siya sa Gabi ng Parangal.
Kahit umaagos ang luha, nagpapatawa pa rin si AiAi delas Alas nang tanggapin nito ang kanyang best actress trophy.
“Kaya ako umiiyak kasi ang daming best nila, baka ako lang ang wala,” say nito.
Bago siya pumunta sa Meralco Theater, sinabihan pa raw siya ni Kris Aquino ng “asa ka pa” dahil ang malakas na bulung-bulungang mananalo ng gabing ’yun ay si Jennylyn Mercado, pero hindi nga napasama sa top three nominees ang huli.
TANONG: Lalo bang lumalala ang iringan nina Manay Lolit Solis at Nadia Montenegro dahil sa isyu kay Mark Herras?
Sabi ni Nadia, hindi si Manay Lolit ang pinapatutsadahan niya sa mga ipinu-post sa kanyang Facebook account. At may mga ilang taong malapit kay Mark ang nagsusulsol sa talent manager-columnist-TV host na nagpalala ng gulo kaya iyon ang sinasabihan niya.
Ever since, sinasabi naman niyang hindi puwedeng kalabanin si Manay Lolit dahil malaki ang respeto niya sa itinuturing na nanay-nanayan.
Ngayon ay inaayos ng GMA 7 na magkausap muli sina Manay Lolit at Mark para matapos na ang gulong ito at hindi na rin lumala pa ang gulo nila ni Nadia.
TOTOO KAYANG nagkakadebelopan na sina kilalang aktor at ang kanyang leading lady na nagkasama sa isang pelikula?
Mending a broken heart si kilalang aktor, kaya tamang-tama lang ang pagpasok sa eksena nitong leading lady niya na isang baguhang magandang aktres.
Sa victory party ng kanilang pelikula, magkasamang dumating ang dalawa at parang iba na ang closeness nila. Pero pareho nilang itinatanggi ang intrigang ’yun. Malabo raw mangyari ’yun, say ni baguhang aktres, dahil wala naman siyang nakikitang type siya ni kilalang aktor.
TSIKA LANG: Patuloy pa ring namamayagpag sa takilya ang pelikulang Si Agimat at Si Enteng Kabisote.
Sa pangalawang araw nito ay mahigit 25 million pesos ang kinita at inaasahang consistent pa rin ang mataas nitong kita dahil holiday kahapon.
Hindi makapaniwala sina Sen. Bong Revilla, Jr. at Bossing Vic Sotto na ganun kalakas ang kanilang pelikula, kaya kahit anong pressure sa kanila na dapat ay sundan ito ng part two, hindi pa rin nila masagot kung itutuloy ba nila ito sa susunod na MMFF.
Nung isang araw ay nag-ikot sa mga sinehan si Sen. Bong para personal na makapagpasalamat sa lahat ng mga nanood.
Sa Jan. 1 naman ay magkasama sila ni Bossing na mag-iikot sa mga sinehan para muling magpasalamat sa patuloy na suporta sa kanilang pelikula.
Ang target ng mga taga-MMFF, hanggang sa matapos ang filmfest, aabot sa mahigit 200 million pesos ang kikitain ng naturang pelikula.