Apl.de.ap nakilala pa ang elementary crush sa Pampanga
MANILA, Philippines - Nag-ala Santa Claus ang international rapper na si Apl.de.ap ng Black Eyed Peas sa pinagmulan niya sa Angeles City, Pampanga matapos magdiwang doon ng Pasko.
Si Apl.de.ap (Allan Pineda Lindo, Jr. sa tunay na buhay) ay namigay ng regalo sa maliliit na bata at ng mga groceries sa matatanda sa isang Christmas party sa Sapang Bato, Angeles City na siyang nilakihan niyang lugar.
May isang libong katao ang bumisita sa Fil-Am rapper noong Pasko.
Kabilang sa bisita niya ang mga dati niyang kaeskuwela sa Sapang bato Elementary School. Isa nga ang umamin na nagka-crush sa kanya si Lindo noong araw.
Sinabi ni Hilda dela Cruz na nagulat siya na kilala pa siya ni Allan aka Apl.
“Ang saya kasi natatandaan pa niya ’ko, tapos crush pala niya ko noon,” sabi pa niya.
“Magandang nakita ko sila rito. At hinangaan ko si Hilda noong nasa elementarya kami,” pag-amin pa ni Apl.
Isang grupo ng mga estudyante ng Sitio Bliss Daycare Center ang kumanta para kay Allan bilang pasasalamat sa kanyang tulong.
Sinabi pa ng Black Eyed Peas member na ipagpapatuloy niya ang pagtulong sa mga kapuspalad.
- Latest