8 pelikula, rambulan na!

I’m sure kabado ang lahat ng mga producer ng mga ipalalabas na pelikula simula ngayong araw na ito ng Pasko. Ngayon na magkakaalaman kung anong pelikula ba ang talagang maganda o ‘yung pinaugong lamang sa promosyon. Perfect nga ba ang ideya na pagsamahin sina Sen. Bong Revilla at bossing Vic Sotto na palaging magkalaban sa takilya sa mga nakaraang filmfest? Mado-doble nga ba ang kita ng Si Agimat at si Enteng Kabisote tulad ng inaasahan nila at ng lahat ng tagasubaybay ng pelikulang Pilipino? O ‘di kaya sila malusutan ng dalawang nakakatakot na pelikulang Dalaw ng Horror Queen na si Kris Aquino na naglabas ng sarili niyang pera kasama ang kanyang manager para makapagprodyus ng isang magandang entry para sa MMFF at ang Shake Rattle & Roll ng Regal Films na mahigit 10 taon nang namamayani sa box-office dahil ang mga Pinoy ay gustung-gustong tinatakot sila kahit sa napakasayang araw ng Kapaskuhan?

Para siguro makakuha ng karagdagang mileage ang entry ni Kris, ipinapanood pa niya ito sa kanyang kapatid na si P-Noy.

Pero siyempre, ‘di papayag ang tambalan nina AiAi delas Alas at Wenn Deramas kasama rin si Eugene Domingo na mangulelat ang Ang Tanging Ina Mo dahil last na raw ‘to ng matagumpay na serye na mismong si Kris Aquino ay umaming ‘di niya mapapantayan sa box-office.

May hirit pa si AiAi na gusto niyang mag-best actress kahit marami na ang humuhulang si Jennylyn Mercado sa Rosario na dinirek ni Albert Martinez para sa TV5 ang mananalo.

Ang Rosario din ang hinuhulaang magdadala ng maraming awards sa pelikula.

Sayang at wala akong napanood ni isa man sa walong pelikula sa MMFF kaya hindi ko magawang makapagkomento tungkol sa pelikula at sa galing ng acting ng mga artista, ma­ging ang mga puntong teknikal ng mga ito pero may isang reviewer na nagsabi na maganda raw ang pagkakagawa ng animated movie ng Star Cinema na RPG Metanaoia

‘Yung Father Jejemon ni Dolphy na ipinasa niya ang responsibilidad ng pagpoprodyus kay ZsaZsa Padilla ay sana mapatawad ng mga Katoliko at panoorin. Pinaghirapan ito ng hari ng komedya para lang madagdagan ang malalaking pangalan na ka­sali sa MMFF.

Umaasa rin ng suporta ng maraming pamilya ang Super Inday and the Golden Bibe ni Mother Lily Monteverde. Pinagsama nga niya ang mga Kapamilya at Kapuso stars tulad nina Marian Rivera, John Lapus, Pokwang at Jake Cuenca para makasiguro sa takilya.

Handa na ba kayong manood ng sine? Sana mahaba ang pisi n’yo dahil mahigit sa isa ang maganda. Para makatipid, huwag na kayong kumain sa labas, magpakabusog na kayo sa bahay, tutal marami naman kayong pagkain

***

Sina Gary Valenciano at Charice ay ilulunsad bilang newest endorsers ng Aficionado Germany Perfumes at siya ring headliner ng napakalaking fashion show-concert na magaganap sa January 8, 2011 SM Mall of Asia.

Pinamagatang 1@11, itatampok sa palabas ang pinaka-maningning na panga­lan sa larangan ng fashion show kasama ang ilang mga top local celebrities ang movie stars.

Hindi basta-basta guesting ang mapapanood sa dalawang newest endor­sers dahil may tig-pito silang kanta bukod pa sa duet nila na magsisilbing highlight ng palabas.

***

Maligayang Pasko sa inyong lahat.

Show comments