Balitang nega bawal sa Pasko!
Pasko ngayon kaya bawal muna ang mga balitang nega. Magbubukas ngayon sa mga sinehan ang walong pelikula ng Metro Manila Film Festival.
Naging tradisyon na ng mga Pinoy na manood ng sine tuwing araw ng Pasko. Asahan natin na pila-pila ang mga tao sa mga sinehan na pagtatanghalan ng MMFF entries.
Maraming pagpipilian ang ating mga kababayan. Nandiyan ang Si Agimat at si Enteng Kabisote, Ang Tanging Ina Mo, Super Inday and The Golden Bibe, Rosario, Father Jejemon, Dalaw, Shake, Rattle & Roll, at RPG Metanoia.
Kung gusto ninyo na matawa, ang Father Jejemon, Ang Tanging Ina Mo at Si Agimat at si Enteng Kabisote ang inyong dapat panoorin. Para sa mga type tumili at matakot, watch ninyo ang Dalaw at Shake, Rattle & Roll. Ang Rosario ang bagay sa mga mahilig sa drama movie at kung fantasy with comedy, si Super Inday ang magpapatawa sa inyo.
Walang pasok bukas at holiday sa Lunes kaya malalaman natin sa Martes ang mga pelikula na nanguna at nangulelat sa takilya.
Madaling malaman kung alin sa MMFF entries ang number one dahil tiyak na magpapatawag ng victory party ang mga produ!
Napanood na ng mga reporter ang Si Agimat at Si Enteng Kabisote dahil nagkaroon ito ng red carpet premiere sa SM Megamall Cinema noong Martes.
Ang Rosario ang isinasagot ng mga reporter kapag tinatanong sila kung alin sa walong pelikula ang kanilang susunod na panonoorin.
Nagkaroon ng preview ang Rosario pero iilan ang nakapanood kaya nakadagdag ito sa interes ng mga reporter na panoorin ang initial presentation ng Cinemabuhay. Intrigang-intriga sila sa magandang trailer ng pelikula na pinagbibidahan ni Jennylyn Mercado.
Kasal nina Ogie at Regine pinagpuyatan ng Startalk
Merry Christmas to all! Maging maligaya sana ang ating Pasko at siyempre, huwag nating kalimutan na batiin ng Happy Birthday si Papa Jesus!
Kapayapaan, good health at more datung para sa ating lahat ang aking mga Christmas wish. Maging maganda rin sana ang takbo ng ating ekonomiya at magkaroon ng tunay na justice sa ating bansa dahil hindi happy ang ibang mga kababayan natin sa pagpapalaya sa mga bilanggo.
At para lalong maging masaya ang inyong Pasko, huwag ninyong kalimutan na panoorin ang Startalk dahil ipapakita sa aming show ang mga paghahanda sa kasal nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez.
Pinagpaguran at pinagpuyatan ng Startalk staff ang coverage sa Ogie-Regine wedding. Ipapakita sa aming show ang kumpletong detalye ng kasalan na naganap sa Nasugbu, Batangas noong Miyerkules.
Richard at Solenn trabaho ang inatupag
Kesehodang malapit na ang Pasko, trabaho pa rin ang inatupag nina Richard Gutierrez at Solenn Heussaff noong Huwebes.
Nag-pictorial ang dalawa para sa isang sosyal na magazine at ilalabas ito sa February 2011.
Madalas na magkasama sina Richard at Solenn kaya hindi talaga malabo na magkaroon sila ng relasyon. Mukhang boto naman ang pamilya ni Richard kay Solenn dahil matagal na nilang kilala ang dalaga na naging close kay Richard nang mag-join siya sa Survivor Philippines: Celebrity Showdown.
Leading lady ni Richard si Solenn sa isang episode ng kanyang Valentine movie at malamang na siya rin ang love interest ni Richard sa Captain Barbell.
- Latest