Karylle nagpa-meryenda sa mga batang may sakit

MANILA, Philippines - Mula nang maging isyu sa telebisyon, radio at mga pahayagan ang pagpapaalis ng bahay-tuluyan ng mga batang maysakit mula sa malalayong probinsiya na matatagpuan sa PCSO Compound sa QC, dumagsa ang mga nagnanais tumulong sa Childhaus.

Nitong buwan ng Disyembre’y maraming ninong at ninang ng mga bata roon ang nagpadala ng mga regalo, damit at pagkain. Kaya araw-araw ay tila Pasko roon at ‘di nakakaramdam ng lungkot kahit hanggang ngayo’y di pa nakakahanap ng malilipatan nila sina Mader Ricky Reyes at mga NGO’s na tumutulong sa kanila.

Nagbigay ng isang merienda cena si Karylle sa Timezone kung saan nag-enjoy ang mga bata sa iba’t ibang laro. Kasama ang modelong si Devine at aktor na si Victor Basa ay nakapanood ng libreng sine ang mga kaawa-awa.

Dinala naman sila ni Mader RR sa Enchanted Kingdom at tunay na lumigaya sa iba’t ibang rides doon.

Lahat ito’y mapapanood sa Life and Style with Ricky Reyes sa QTV 11 ngayong Linggo alas-diyes hanggang alas onse ng umaga.

Sa segment na Simpleng Hiling ay tampok ang Christmas wish ng letter-sender na si Armand Ramos … isang Noche Buena package para sa kanyang kapatid na si Rodward Ramos at pamilya nito.

Valerie naiyak sa kanyang birthday

Mangiyak-ngiyak si Valerie Concepcion noong matapos siyang makatanggap ng isang umaatikabong birthday surprise mula sa kanyang mga kasamahan sa hit na hit na Pilipinas Win Na Win (PWNW).

Noong una, akala ng magandang noontime show host ay magpe-perform lang siya para sa kanyang birthday special sa PWNW. Bigay-todo si Valerie sa pagkanta ng You Belong With Me na pinasikat ni Taylor Swift.

Pagkatapos ng birthday performance, isang anunsiyo ang ibinigay ng kanyang co-hosts na sina Pokwang at K Brosas. Iyon ang sorpresang awitin ng Hitmakers para lamang sa birthday girl na si Valerie.

Simpatikong inawit ni Marco Sison ang She para kay Valerie, sabay abot ng rosas at regalo nitong stuff toy sa magandang host. Chocolates naman ang handog ni Rey Valera sa co-host na inawitan niya pa ng She’s Always A Woman To Me. Kinanta naman ni Nonoy Zuñiga ang Pure Imagination habang iniaabot ang handog niyang libro sa dalagang mahilig magbasa.

Madrama naman ang naging mensahe ni Rico J Puno kay Valerie. Ani ng Hitmaker “walang iwanan” at mananatili silang magkaibigan. Nakakatawang My Way ang inawit ni Rico J kay Valerie, sabay abot sa bolang pang-basketball na regalo nito.

Matapos ang kakaibang sorpresa, buong-pusong nagpasalamat si Valerie sa mga tapat at totoong kaibigan na nakilala niya sa PWNW.

Show comments