MANILA, Philippines - Ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan at pagmamahalan. Kaya’t buong-pusong inihahandog ng Cinema One ang pinaka-malaki nitong holiday offering, ang premiere ng box-office reunion movie nina John Lloyd Cruz at Bea Alonso na Miss You Like Crazy ngayong Disyembre 26, 8:00 p.m.
Ang Miss You Like Crazy ng Star Cinema ay ang naging post-Valentine treat ng pinakapinag-uusapang tried and tested tandem nina Lloydie at Bea ngayong taon. Ang nasabing pelikula ay dinirek ng tinaguriang blockbuster director na si Cathy Garcia-Molina, na nagdirek din ng My Amnesia Girl. Ang Miss You Like Crazy na sinulat naman nina Vanessa Valdez (One More Chance, A Love Story), Tey Clamor at Juan Miguel Sevilla, ay tungkol sa tinadhana, tapat at totoong pag-ibig.
Binuksan ng Miss You Like Crazy ang buhay ng dalawang magkaibang indibidwal. Si Alan Alvarez (John Lloyd Cruz) ay isang matagumpay na bachelor, promoted sa trabaho at masaya sa girlfriend na si Daphne Recto (Maricar Reyes). Ngunit isang araw, mapagtatanto ni Alan kung ano talaga ang gusto niyang gawin sa buhay. Samantalang si Mia (Bea Alonzo) naman, ay sawang-sawa na sa kanyang buhay. Bumalik siya sa Pilipinas matapos ang puspusang pagtratrabaho bilang front desk officer sa Kuala Lumpur, Malaysia. Sa kanyang paghahangad na pansamantalang magpahinga, isang matinding dagok ang haharapin ng kanyang pamilya.
Sina Alen at Mia, bagaman iba ang kinamulatang buhay, ay tila tinadhana para sa isa’t isa. Sa pagku-krus ng kanilang landas sa isang ferry boat, agad silang nagkasundo at ‘di kalauna’y humantong sa isang romantikong pagsasama.
* * *
May pamaskong regalo na naman pala si Cong. Irwin Tieng ng Buhay Partylist sa showbiz, dahil naidagdag na ang mga concert halls sa mga lugar na papatawan ng reduced amusement tax.
Ang balita ay ikinatuwa ng mga concert producers na siyang gumagastos ng malaki para sa mga shows ng ating local artists.
Matatandaan na nakapasa ang House Bill 4367 o ang Lowering of the Amusement Tax noong isang taon, pagkatapos ng ilang buwang pakikipaglaban sa kongreso. Naging batas na ito – Republic Act 9640. Ang provision sa pagdagdag ng mga concert halls ay nasa Section 1 ng batas.
Ang nasabing batas ay nagbaba ng amusement tax mula 30 percent hanggang 10 percent, pinalitan ang nakalagay sa section 140 ng Local Government Code of 1991.
Ayon kay Cong. Irwin, ang batas na ito ay maghihikayat sa mga producers na gumawa ng mga dekalidad na proyekto para magpakita ng galing ng Pilipino at kultura ng ating bansa.
Naniniwala si Cong. Irwin na siyang pangunahing nagtaguyod ng naturang batas, na maraming magagaling na Pilipino sa larangan ng pagtatanghal, pelikula at teatro. Nakakalungkot lang na dahil sa taas ng buwis na naipapataw sa industriya ay lumiliit ang tsansa na maipakita ng mga Pinoy ang talento nito sa buong mundo.