Gabi ng Parangal
MANILA, Philippines - Ang mga pinakamalalaking artista ng local showbiz ay magtitipun-tipon ngayong taon para sa Gabi ng Parangal ng 36th Metro Manila Film Festival (MMFF) na gaganapin sa Meralco Theater sa Pasig City. Magsisilbing hosts ang magkakapatid na sina Ruffa, Raymond, at Richard Gutierrez simula ng red carpet parade ng alas-sais ng gabi at susundan ng pagtatanghal ng alas-siete y media.
Pinaghandaan din ang malalaking production numbers. Opening number si Marian Rivera na back-up dancers sina Mark Herras, Mart Escudero, Gwen Zamora, Buboy Villar, at Jillian Ward.
Sina Pops Fernandez, Kuh Ledesma, Christian Bautista, at Arnel Pineda naman ang mga boses ng grand finale.
May special segment na pagbibigyan ng mga bigating stars tulad nina Vilma Santos, Sharon Cuneta, Lorna Tolentino, Maricel Soriano, Aga Muhlach, Richard Gomez, Christopher de Leon, Piolo Pascual, at Phillip Salvador.
Ang Gabi ng Parangal ay mapapanood sa GMA 7 at ipiprisinta ni Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino, ng 17 mayors ng Metro Manila, at ng MMFF executive committee. Ipinrodyus ang MMFF Awards Night ni Tessie Celestino Howard ng Airtime Marketing at idinirek ni Al Quinn.
Ang walong kalahok na pelikula ngayong taon na maglalaban-laban sa parangal ay Rosario, Father Jejemon, Dalaw, Si Agimat at si Enteng Kabisote, Super Inday and the Golden Bibe, RPG Metanoia, Shake, Rattle & Roll XII, at Ang Tanging Ina Mo Last Na ’To.
- Latest