Aba, unti-unti nang pumapalaot sa pagiging isang direktor ng indie film ang dyowa ni Toni Gonzaga na si Paul Soriano. Nagsimula ito sa pagdidirek ng mga TV commercials. Baka hindi maglalaon ay bigla na lang natin siyang makitang nagdidirek ng mainstream movie. Sa ngayon ay concentrated muna siya sa paggawa ng mga indie films na kung titingnan ang cast ay hindi sasabihing independent movie. Marami kasing indie films ang gumagamit ng mga artista na kung hindi mga baguhan ay ’yung mga hindi gaanong abala. Para hindi masyadong malaki ang TF.
Pero ang ginagawa niyang Thelma ay dalawang abalang Kapamilya ang mga bida, sina Jason Abalos at Maja Salvador. Tapos kasama pa sina Tetchie Agbayani, Elise Pineda, John Arcilla, at Elma Muros. Istorya ito ng dalawang atleta na nagkita at nagkasama sa Maynila habang nagti-training.
Naging bida na rin ni Paul sa isa niyang ginawang indie film ang girlfriend niyang si Toni.
* * *
Bakit hindi puwedeng magkasama sa isang proyekto ang dating magdyowang sina Marian Rivera at Survivor Philippines: Celebrity Showdown runner-up na si Ervic Vijandre, eh pareho naman silang Kapuso?
Makakahindi ba sila kung magpasya ang GMA 7 na pagsamahin sila sa isang project? Bilang mga professional actors, lalo na si Marian, dapat lagi siyang handa sa anumang hamon na dumating sa kanyang career.
Kung sabagay, wala namang tumatanggi ni isa man sa dalawa sa posibilidad na binanggit ko. Hypothetical ito pero ngayon pa lamang ay inaalam ko na ang magiging senaryo.
Kaya kahit ayaw n’yo si Ervic, huwag kalilimutan na guwapo’t malakas ang appeal ng basketbolista. At may clamor na pagtambalin sila ng ex-girlfriend niya.
* * *
Malayo pa ang Valentine concert ni Pops Fernandez pero nagsisimula na siyang mag-promote nito. Feel mo naman ito sa rami ng mga write ups na lumalabas tungkol sa kanya. Nabasa ko pa nga ang isa sa mga nasulat na pinili niya ang ex-husband niyang si Martin Nievera over Gary Valenciano when someone asked her kung sino sa dalawa ang mas magaling kumanta. I’m sure hindi magdaramdam si Gary V. kung pinili man ni Pops ang ama ng dalawa niyang anak. Si Mr. Pure Energy naman ang pipiliin kung ang tatanungin ay sina Paolo, Gab, o Kiana. At maski si Angeli.
* * *
Agree naman si Cristine Reyes na kailangan ngang maayos ang gulong kinasangkutan niya at ni Sarah Geronimo. Pero naniniwala siya na sila lamang ang mga direktang nasasangkot ang kailangang mag-ayos nito at hindi ang dumaraming mga taong sumasali na sa isyu.
Mabuti naman at ito ang napagpasyahan mo, Cristine. Bago pa tuluyang humaba ang isyu, putulin n’yo na. Ikaw din ang maaapektuhan dahil marami na ang nakikialam. Tanggapin mo rin na naapektuhan na ang trabaho mo.