Showbiz 'di feel dyowa ni Anne mas gustong magluto

Ang ganda-ganda ng ngiti ni Marian Rivera kapag tinutukso siya ng mga reporter na mukhang malapit na silang magpakasal ni Dingdong Dantes.

Halatang-halata ang sobrang pagmamahal ni Marian sa kanyang boyfriend dahil kumikislap ang mga mata niya sa tuwing nababanggit ang name ni Dingdong.

Kung sakaling magkakaroon siya ng anak, marami at hindi lamang isa ang gusto ni Marian dahil malungkot ang nag-iisa.

Alam ni Marian ang kanyang sinasabi dahil solong anak siya. May mga ka­patid nga siya sa ama pero nasa Spain naman. Latino ang nanay ng dalawang kapatid sa ama ni Marian kaya isipin ninyo kung gaano kaganda ang mga ba­gets.

* * *

Ang mga apartment niya sa Cavite ang itinuturing ni Marian na biggest investment niya sa 2010.

May mga umuupa na sa apartment at ang nanay ni Marian ang nag-aasikaso. Can’t afford si Marian na personal na asikasuhin ang kanyang negosyo dahil masyadong busy ang schedule niya, lalo na kapag nagsimula ang taping ng bagong TV series ng GMA 7 at ang shooting ng Temptation Island.

Marunong humawak ng datung si Marian. Hindi siya katulad ng ibang mga artista na bulagsak sa paghawak ng kanilang mga kinikita sa showbiz.

* * *

Parang holiday sa showbiz sa darating na Miyerkules dahil halos lahat ng mga kilalang artista eh dadalo sa kasal nina Regine Velasquez at Ogie Alcasid sa Punta Fuego, Batangas.

May mga kakilala ako na nagpa-reserba na ng mga kuwarto sa mga hotel sa Batangas at ‘yung iba eh makikitira sa mga bahay ng kanilang rich friends sa Punta Fuego.

Ang Ogie-Regine wedding ang biggest showbiz event bago matapos ang 2010. Sa ayaw at sa gusto nina Ogie at Regine, dudumugin ng media at ng mga usi ang kanilang beach wedding na mapapanood sa SNBO ng GMA 7 sa December 26.

* * *

Kahit sabihin ni Anne Curtis na hindi siya papayag na mag-artista ang kanyang boyfriend na si Erwan Heussaff, hindi talaga ito papasok sa showbiz dahil hindi niya feel na umarte sa harap ng mga kamera.

Pero kung bibigyan si Erwan ng cooking show sa TV, baka magbago ang kanyang isip dahil mahilig siyang magluto. Isang chef ang kapatid ni Solenn at passion niya ang pagluluto.

* * *

Thank you kay Congressman Irwin Tieng dahil hindi siya nakalimot. As usual, nag-organize si Papa Irwin ng Christmas party para sa mga kaibigan niya sa entertainment press sa Annabel’s noong Huwebes.

Late na nang matapos ang taping ng Tweetbiz at imbes na maipit ako sa matinding trapik dahil sa holiday rush, nagpalipas ako ng oras sa Christmas party ni Papa Irwin.

May Christmas gift si Papa Irwin sa showbiz dahil ang mga concert hall ang karagdagan sa mga lugar na papatawan ng reduced amusement tax.

Ikinatuwa ng mga concert producer ang balita dahil malaki ang nagagastos nila sa pagpo-produce ng mga show ng mga local artist.

Kung matatandaan ninyo, nakapasa noon ang House Bill 4367 o ang Lowering of the Amusement Tax matapos ang ilang buwan na pakikipaglaban sa kongreso. Naging batas ang House Bill 4367 ( Republic Act 9640) at nakalagay sa provision nito ang pagdadagdag sa mga concert hall.

Ang nasabing batas ay nagbaba ng amusement tax mula 30% hanggang 10 % at ayon kay Papa Irwin, ‘yon ang maghihikayat sa mga producer na gumawa ng mga dekalidad na proyekto para magpakita ng galing ng Pilipino at kultura ng ating bansa.

Ang batas ay puwedeng maging daan para mas marami sa mga kababayan natin ang makapanood ng mga local show at pelikula. Magandang oportunidad ito para lalong makatulong sa gobyerno ang local entertainment industry.

Alam ni Papa Irwin na marami ang magagaling na Pilipino sa pelikula at teatro. Nalulungkot siya dahil sa taas ng buwis na ipinapataw sa entertainment industry, lumiliit ang tsansa na maipakita ng mga Pinoy sa buong mundo ang kanilang mga talent.

                                       

Show comments