Ako ang isa sa pinakamaagang dumating sa presscon kahapon ni Annabelle Rama para sa concert nina Pops Fernandez at Ogie Alcasid sa Crowne Plaza Hotel sa February 12.
As usual, ako rin ang unang umalis dahil may taping pa ako para sa Tweetbiz. Dahil maaga akong nagbabu, hindi ko na naabutan ang paulit-ulit na brown-out sa Citybest Restaurant dahil sa malakas na ulan na cause ng malaking baha sa Tomas Morato Avenue. Ang malakas na ulan din ang ugat ng over-acting na trapik.
Si Pops ang karagdagan sa listahan ng mga dumaraming alaga ni Bisaya. Bilib na bilib si Pops kay Annabelle dahil nabuo kaagad nito ang concert nila ni Ogie na may title na iValentineU.
Dalawaang taon din na nagpahinga si Annabelle sa pagpo-produce ng mga Valentine show kaya engrandeng-engrande ang kanyang comeback. Hindi mahilig si Bisaya sa mga ordinary concert. Sa tuwing may show siya na ipino-produce, sinisiguro ni Annabelle na busog sa pagkain ang kanyang audience at affordable ang presyo ng tickets.
Magarbo at palaging may dinner ang mga concert ni Bisaya kaya hindi ito afraid o threatened kung may ibang Valentine show sa February 12.
Samantala, imbyerna pa rin si Annabelle kay Heart Evangelista kaya tuloy ang plano niya na idemanda ang dating alaga at ang madir nito dahil sa pagtanggap ng raket na inililihim sa kanya.
Si Senator Miriam Defensor-Santiago ang abogado ni Heart pero confident si Bisaya na hindi makikialam sa kaso ang matapang na senadora.
Nag-hi pa si Annabelle kay Senator Miriam sa harap ng kamera. Idol na idol ni Bisaya ang senadora na ipinangampanya niya noong May elections.
Ipinapaubaya ni Bisaya sa kanyang abogado ang pakikipag-usap sa kampo ni Heart. No comment pa si Heart at ang madir nito sa demand letter na natanggap nila mula kay Annabelle.
Inaanak nina Marian at Dingdong namatay
Inilibing kahapon sa Baliwag, Bulacan ang batang babae na inanak sa binyag nina Marian Rivera at Dingdong Dantes.
Ito ‘yung 9-year old girl na may sakit na bone cancer at nag-request na makita niya ng personal sina Marian at Dingdong.
Sa kasamaang-palad, namatay ang bagets three days ago at kahapon lamang nalaman ni Marian ang nangyari. Hindi na nakabisita si Marian sa burol ng bagets dahil may taping siya.
Kung nalaman ni Marian noong Miyerkules na namatay ang bagets, imposible na hindi siya pumunta at makiramay.
Medyo maluwag ang schedule ni Marian noong Miyerkules kaya natuloy ang Christmas party niya para sa showbiz press.
Happy ang press dahil lahat sila ay win sa raffle draw na inihanda ni Marian at ng kanyang manager na si Popoy Caritativo.
Siney ng mga reporter na ang simple Christmas party ni Marian ang pinakamasaya at bongga. Na-prove nina Popoy at Marian na puwedeng magkaroon ng simple pero bonggang Christmas party.
Pamilya ni Hubert hindi interesado sa planong pelikula
May nagpakita ng interes na isalin sa pelikula ang kuwento ng buhay ni Hubert Webb pero tila hindi interesado ang kanyang pamilya.
Pero kung tatanggapin ng Webb family ang offer, may naiisip ako na perfect gumanap bilang Hubert at ito ay si.... Paolo Bediones! Marami ang nakapansin sa malaking resemblance nina Paolo at Hubert nang makita silang magkatabi sa loob ng New Bilibid Prisons noong lumaya ang mga akusado sa Vizconde massacre.
Ang tanong, papayag ba si Paolo eh iba na ang kanyang career path? Broadcast journalist na siya, hindi na basta TV host at artista.
Irwin love na love
Kagabi naman ang Christmas party ni Congressman Irwin Tieng para sa entertainment press. Every year, hindi nakakalimot si Papa Irwin na mag-share ng kanyang mga blessing.
Love na love ng mga reporter si Papa Irwin dahil sa concern niya sa entertainment industry. Si Papa Irwin ang isa sa mga author ng Anti-Cyberboso Bill.