Sa presscon na itinawag ng Regal Films para sa paborito nilang bading na si John “Sweet” Lapus, nabanggit ni Mother Lily (Monteverde), producer at may dalawang entry para sa Metro Manila Film Festival (MMFF), ang Super Inday and the Golden Bibe at Shake Rattle & Roll 12 na parehong kasama si Sweet, na kahit mahigpit niyang kalaban ang Rosario sa MMFF ay susuportahan niya ito dahil kay Dennis Trillo, isa niyang contract star.
Muling pumirma ngayong araw na ito si Dennis ng kontrata sa kumpanya ni Mother Lily. Agad ay may sisimulan siyang pelikula.
‘I’m not after becoming number one in the box office. Gusto ko lang lahat ng pelikula kumita. In this trying times, mahirap mag-produce. Dapat hindi lang isa o dalawang films ang kumita, dapat lahat. Para masaya at makapag-produce pa uli ng films,” sabi ng matriarka na hands-on uli katulong ni Roselle Teo dahil sabi niya, hindi pa gaanong sanay ang anak.
* * *
Flattered si Sweet na bukod sa paborito siya ng Regal ay itinuturing pa rin siyang lucky charm ng kumpanya.
“First time ko na mabigyan ng title role sa Super Inday and the Golden Bibe. Magkasama kami ni Marian (Rivera) at nina Pokwang at Jake Cuenca. Pinapagsuot kami rito ni Marian ng magic camison na ipinasusuot ni Mother Lily sa kanyang mga artistang babae na lahat ay sumikat. Kasama rin ako sa horror entry ng Regal, ang Shake Rattle & Roll 12, sa episode na Isla Engkanto, kasama sina Andi Eigenmann at Rayver Cruz, sa direksiyon ni Topel Lee. First time akong maidirek niya at enjoy ako sa pagiging cool niya, pa-yosi-yosi lang sa gilid. Hindi lang niya ako idinidirek, pinakikinggan din niya ang suggestion ko,” sabi niya.
Sa Isla Engkanto pumunta si Rayver at ang misis niya para magbakasyon pero nawala ito, kinuha ng mga engkanto. Simula nun, hindi na umalis ng isla si Rayver. Ginugol ang kanyang panahon sa pag-aaral at pananaliksik ng tungkol sa mga engkanto. Pinaghahandaan din niya ang gagawin niyang paghihiganti sa kanila.
“Lalaki ang role ko dito, best friend ni Rayver. This is my fourth SRR movie. Sa unang tatlo namatay ako, pinatay ng Christmas tree, ng aswang, at ng wedding gown. Ewan ko kung mamamatay din ako dito sa Isla Engkanto. Panoorin n’yo na lang,” pakiusap ng TV host-comedian.
* * *
Isa naman siyang anghel sa Super Inday and the Golden Bibe na pinarusahan at pinapunta ng lupa. Makakabalik lamang siya ng langit kapag nakagawa siya ng malaking kabutihan sa lupa.
Masaya si Sweet na makasama si Marian dahil mayroon na silang rapport. Kahit hindi na sila mag-usap, sa tinginan pa lamang ay nagkakaintindihan na sila. As the Golden Bibe, wala siyang power. Nangingitlog lamang siya ng golden egg. ’Yung mga nakakakain ng mga iniitlog niya ang nagkakaroon ng kapangyarihan. At bawat itlog ay isang kapangyarihan lamang ang ibinibigay. Wala ring power si Pokwang. Nagkaroon lamang nang masalo ng bibig nito ang itlog na ibinato niya para kay Marian.
“Nakakatawa ang eksena na ito dahil hindi alam ni Pokwang kung paano gagamitin ang powers na napunta sa kanya,” masayang kuwento ni Sweet na dahil sa kaabalahan, bukod sa SRR 12 at Super Inday, may regular show din siya sa GMA 7, ay iniatang na lamang sa kanyang ina at kapatid ang Christmas shopping niya. “Binigyan ko na lamang sila ng listahan ng mga dapat nilang bilhin,” sabi niya.
* * *
Nagmistulang isang Christmas party ang grand presscon ng Rosario na ginanap sa dating Ratsky’s sa Tomas Morato, Quezon City. Nagkaroon kasi ng pa-raffle na isinabay sa presscon. Sayang nga lang at hindi na-maximize ang presscon dahil kumain ng malaking panahon ’yung pictorial ng cast sa harap ng building na kung saan ginanap ang presscon.
Bagama’t pinagkaguluhan ito ng mga tao at nag-cause ng traffic, mas malaking mileage sana ang nakuha ng pelikula kung agad ay iniakyat ng venue ang mga artista at ipina-interview sa press. Kumain ng oras ang raffle kaya nang matapos ito ay alpasan na ang press dahil gabi na.
Maganda pala ’yung mga kasuotan nung 1920s, ang era na pinangyarihan ng kuwento ng Rosario. Ang parang pare-pareho ay ’yung kasuotan ng mga lalaki, na naka-kurbata, naka-baston, at sombrero. Nagtataka nga ako kung bakit nauso ang sombrero nung panahong ’yun. Dapat kung mainit ay nakapayong din o parasol ang mga kababaihan, para consistent.
Sayang talaga, dahil sa sobrang late na hindi na na-interview ng marami sina Jennylyn Mercado, Dennis Trillo, Yul Servo, Sid Lucero, Isabel Oli, at maski ang direktor ng Rosario na si Albert Martinez.