Hindi ko ide-deny ang sinabi ko sa Tweetbiz noong Lunes na naging monster na si Mark Herras dahil bilang manager niya, napansin ko na malaki ang ipinagbago ng kanyang ugali.
Hindi na siya ang dating Mark na masunurin, trabaho lang nang trabaho dahil may tiwala siya sa mga desisyon ng GMA Artists Center tungkol sa mga projects na ibinibigay sa kanya.
Totoo rin na nagtanong ako kung maganda ba na impluwensiya si Nadia Montenegro kay Mark dahil nagbago ito mula nang maging close sila.
* * *
Parang isang sikat na teleserye na sinubaybayan kahapon ng buong Pilipinas ang paglabas ni Hubert Webb at ng ibang mga akusado sa Vizconde Massacre case mula sa New Bilibid Prisons (NBP).
Labinlimang taon na nakulong si Hubert at ang mga co-accused niya kaya siguradong magiging masaya ang Pasko nila ng kani-kanilang pamilya.
Halu-halo ang reaksiyon ng mga Pinoy sa pasya ng Supreme Court na palayain ang mga suspects.
May mga naiyak sa tuwa dahil nakikisimpatiya sila sa Webb Family at may mga napaluha dahil sa matinding awa kay Mr. Lauro Vizconde.
Ang kaso ng Vizconde-Webb ang pinakamaingay dahil anak ng senador at artista ang sangkot. Nakadagdag sa ingay ng kaso ang pagsasapelikula nito, ang Vizconde Massacre at ang The Jessica Alfaro Story.
Kasali sa mga acquitted si Tonyboy Lejano, ang anak ni Pinky de Leon. Bilang ina, maligayang-maligaya si Pinky at ang kanilang pamilya dahil sa paglaya ng kanyang anak.
Kasama si Christopher de Leon sa mga sumalubong sa paglabas ng kanyang pamangkin sa kulungan.
May meeting kami dapat ni Boyet kahapon pero nakansela dahil nalaman nga niya na makakalaya na si Tonyboy.
Kasama ni Boyet sa NBP si Pinky, ang kanilang kapatid na si Lara Melissa at ang nanay nila na si Lilia Dizon.
* * *
Sa pagpapalaya ng Supreme Court sa mga akusado, muling nabuhay ang isang malaking katanungan na baka hindi na magkaroon ng kasagutan.
Kung talagang walang kasalanan ang mga akusado, sino ang pumatay sa asawa at mga anak ni Mang Lauro?
Kung nasa labas lamang ang mga tunay na kriminal, hindi pala talaga safe ang ating paligid dahil malaya nating nakakahalubilo ang mga salarin ’no!
* * *
Nakakaloka ang pagmumura ni Dante Jimenez ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa presscon kahapon nila ni Lauro Vizconde.
Paulit-ulit na nagmura si Dante dahil sa sobrang galit. Minura niya sa harap ng mga TV cameras ang mga miyembro ng Supreme Court. Nakakapangilabot ang mga salitang binitiwan ni Dante habang tahimik at malungkot na malungkot sa kanyang tabi si Mang Lauro.
* * *
Hindi na ako nakapunta sa presscon at Christmas party ng Rosario noong Lunes pero thank you kay Ambet Nabus dahil ipinadala niya sa akin ang press kit ng pelikula.
Sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado ang mga lead stars ng Rosario. Ang say ng mga reporters, in love na in love sa isa’t isa ang dalawa. Hindi maitatanggi sa mga kilos nina Dennis at Jennylyn na going strong ang kanilang pitong buwan na relasyon.
* * *
Love ko si Boss Vic del Rosario kaya pagbibigyan ko ang kanyang request na huwag nang palakihin ang isyu ng pang-aaway ni Cristine Reyes kay Sarah Geronimo.
Bad news ito sa mga fans ni Sarah na nagpadala sa akin ng e-mail laban kay Cristine na gusto nila na i-publish ko. Alang-alang sa request ni Boss Vic, huwag na nating patulan ang isyu na natabunan agad ng Vizconde case.