Mala-higanteng problema ni Gildo sa Wish Ko Lang

MANILA, Philippines - Pagkatapos ng Luzon at Visayas, Mindanao naman ang dadayuhin ng Wish Ko Lang! ngayong Sabado, Dec. 11, sa pagpapatuloy ng Pangarap Tour, ang 8th anniversary special ng programa.

Biyaheng Davao ang programa sa pangunguna ng host na si Vicky Morales ngayong Sabado dahil dito nagmula ang pinakamalaki at pinakamatinding istorya ng programa ngayong taon.

Ito ang kuwento ni Gildo, isang binata na may sakit na Psoriasis – dahilan para ang balat sa buong katawan ay tila magsugat at mamula. Pero hindi lang ito ang suliranin ni Gildo dahil ang talagang nagpapabigat sa kanya ay ang sakit na Filariasis na siya namang dahilan kung bakit naging kasing-laki ng dalawang pakwan ang kanyang scrotum o bayag.

Tunghayan kung paano nagsimula ang kalbaryo ni Gildo at kung may pag-asa pa bang matuldukan ang kanyang pagdurusa. Abangan din ang pagsa­sabuhay ni Joseph Bitangcol sa kanyang kuwento kasama ang batikang aktres na si Jacklyn Jose na gaganap naman bilang ina ni Gildo.

Mapapanood ang ikatlong bahagi ng Pangarap Tour ng Wish Ko Lang! ngayong Sabado ng hapon, pagkatapos ng Startalk, sa GMA 7.

Show comments