MANILA, Philippines - Pumalpak ang tawag ng milyonaryong TV host na si Willie Revillame na suportahan siya ng mga tao sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kaso ng pangongopya o copyright infringement na inihain ng ABS-CBN laban sa kanya.
Kung nagmukhang perya ang Makati City Hall noong Martes ng umaga dahil sa rami ng taong naka-Willie T-shirt, nagmistulang ghost town naman kahapon ng umaga (Dec 2) ang lugar.
Walang taga-suporta ni Willie ang sumipot! At kahit ang idol nila, hindi rin nagpakita.
Hmmm, baka naman natakot dahil wala na ang mga taga-suporta niya na karamihan ay mga may edad na babae.
Matapang na humarap sa korte si Willie noong Lunes. Hiniling pa sa korte na gawin sa umaga ang pagdinig sa kaso para makasipot siya dahil may show nga raw siya sa gabi. Handa raw siyang sagutin ang mga ebidensiya na ipapakita ng ABS-CBN.
Pero umatras kahapon si Willie. Tatlong abogado pa ang pinadala para ipagtanggol siya. At naglaho na ang mga naka-orange na Willie t-shirt, wala ang mga naka-putting T-shirt, at walang mga sasakyan na nagdala sa kanila.
Mapapaisip ka tuloy kung totoong may sumusuporta kay Willie. Dahil ang mga tunay na supporter ay sisipot sa tuwing may pagdinig sa kaso para ipakita ang kanilang suporta. Hindi sila kailangang tawagin para pumunta. Kusa silang darating.
Kung pagbabatayan ang nangyari kahapon, nakakapagduda tuloy kung totoong mahal si Willie ng mga tao.
Sa hindi nila pagsipot, natuwa naman ang mga empleyado ng RTC dahil tahimik at maayos ang naging pagdinig kahapon.
Hindi tulad noong Martes kung saan naging isang circus ang Makati City Hall. Maraming tao, pero marami rin ang nadukutan ng wallets at cellphones.
Pati sa loob ng courtroom, hindi raw nakaupo ang mga abogado ng magkabilang panig dahil inunahan sila ng mga supporter at staff ni Willie.
Saka, bakit kaya gustung-gusto ng kampo ni WR na sa QC Regional Trial Court na lang ang mga kaso niya? May pagkakaiba ba ang mga judge sa QC kumpara sa Makati?
Sa hearing kahapon sa Makati RTC, pinipilit ng mga abogado ng TV host na ilipat ang kaso sa Quezon City at gusto pa nilang mag-inhibit si Judge Joselito Villarosa.