Oras ni Jessy Mendiola dumating na sa Sabel

MANILA, Philippines - Handang-handa na para sa kanyang unang major lead role - isang malaking hakbang ang ginawa ni Jessy Mendiola para sa pinakabagong seryeng sasali sa primetime race simula December 6, ang Sabel.

Gagampanan ang karakter na unang binigyang buhay ni Snooky Serna sa 1981 Regal classic na Bata Pa Si Sabel, nagulat siya pero feeling ni Jessy ay dumating na ang tamang panahon para sa kanya, matapos ang apat na taong paghihintay.

“The wait was worth it. Ngayon po ABS-CBN has entrusted me with a role na masasabi kong hindi ko pa talaga nagagawa sa buong buhay ko,” pahayag ni Jessy na sa text niya lang unang nalaman na makakasama sa isang programa pero hindi niya inaasahang siya pala ang magiging bida.

Unang napansin ang galing ni Jessy sa Your Song Presents Boystown kung saan nakasama nito ang Gigger Boys. Pagkatapos ng kanyang Your Song stint, sunud-sunod na ang naging proyekto ng dalaga. Naging parte si Jessy ng hit series na Kung Tayo’y Magkakalayo kung saan gumanap siya bilang Christina, ang love interest ni Coco Martin sa serye. Naging bahagi rin si Jessy ng Your Song Presents GIMIK 2010.

Matapos itambal sa iba’t ibang male teenstars, ngayon ay makakapareha ni Jessy ang dalawa sa pinaka-fresh na mukha sa industriya, sina AJ Perez at Joseph Marco.

Member ng Gigger Boys, ibinahagi ni AJ na matapos niyang malaman na makakatrabaho niya uli si Jessy, gusto niya agad magsimulang mag-taping.

“Naalala ko kasi noon sa Your Song Presents Boystown, ang saya ng exper­ience naming lahat. Kahit puro lalaki kami nun, nakakasabay si Jessy. Magaling makisama.”

Samantala, si Joseph na isang commercial model at baguhan sa Kapamilya network ay masayang-masaya na maging parte sa pinakabagong gateway to prime­time ng ABS-CBN. Makakasama ng tatlo ang ilan pang magagaling na artis­ta sa local showbiz : Rita Avila, Raymond Bagatsing, Daria Ramirez, Tommy Abuel, Ron Morales, at Glydel Mercado.

Sa ilalim ng direksiyon ni Don Cuaresma, iinog ang kuwento ng Sabel sa isang batang babae na isinumpa ng may kamalasan. Sa kanyang paglaki, mahuhulog sa bitag ng pag-ibig ang dalaga. Kahit pa pinagsabihan na ng mga nakatatanda sa kanya, sinunod pa rin nito ang tibok ng kanyang puso kahit pa ang kapalit nito ay sakit at hapdi sa puso.

Saksihan ang pamumukadkad ni Jessy sa Sabel pagkatapos ng Shout Out sa ABS-CBN na mag-uumpisa na sa December 6.

Show comments