MANILA, Philippines - Talbog ang mga sexy star sa pictorial ni Regine Velasquez para sa kanyang latest album na Fantasy under Universal Records. As in, super sexy - kita ang cleavage, tiyan, legs, basta, tingnan ninyo ang mga photos.
Bukod sa kasal nila ni Ogie Alcasid sa December 22, obvious na talagang itinodo na niya ang pagpapapayat para sa nasabing album bago pa siya maging opisyal na Mrs. Alcasid. Seksi-seksihan talaga ang emote niya sa mga picture/postcard na kasama sa album.
Actually, hindi raw pabor ang kanyang magiging mister sa ginawa nito pero mukhang wala naman nagawa dahil tapos na nga.
Anyway, excited na si Regine sa kasal nila ni Ogie sa December 22. Pero aminado siyang wala siyang masyadong alam sa mangyayari dahil ang kapatid niyang si Cacai ang abala rito.
Ano bang nararamdaman ng isang ikakasal?
“Hindi ako masyadong nakakatulog, I’m really excited and a bit anxious kasi nga, hindi naman ako masyadong involve sa preparations,” sabi ng Songbird na ‘on the way’ na ang red gown na gawa ni Monique Lhuillier galing Amerika.
Christian wedding ang magaganap sa kanila ni Ogie na ka-live in na niya for three years. Hindi pa sila puwedeng makasal sa simbahan dahil hindi pa rin tapos ang annulment nito sa dating asawang si Michelle Van Eimereen.
Sa Punta Fuego gaganapin ang kasalan nila at limitado ang mga bisita. Pag wala kang invitation, hindi ka makakapasok kaya goodluck sa mga gustong mag-gatecrash.
Joke nga niya, sana maalala siyang bigyan ng invitation para makapasok siya sa nasabing kasal nila ni Ogie.
At any rate, available na ang Fantasy album niya sa lahat ng leading record bars nationwide.
* * *
Oo nga, parang hindi naman tama na gamitin ang mga lola na halata namang bulag sa batas pero buo ang pananampalataya kay Willie Revillame para lang makahikayat ng simpatiya para sa TV host.
Ang mga kasong isinampa ng ABS-CBN laban sa Wil Productions at TV5 ay usapang legal na seryoso at hindi dapat idinadaan sa emosyon at palabas katulad sa nangyaring hearing last Tuesday.
Pati raw audience ni WR ay ginagamit nitong mistulang human barricade para ikubli ang mga tunay niyang intensiyon sa pagpapatuloy ng kanyang programa para lang kumita ng datung.
Ayon sa isang source, P470 million ang kinikita ngayon ni WR sa TV5. Kaya ang sigaw ng bayan : sana huwag na niyang gamitin pa ang mga tao na kesyo para sa kanila ito, para maiahon sila sa kahirapan dahil sa true lang, ito ay para sa produksiyon niya na milyones ang kinikita.
Kawawang mga lola. Nagagamit ng walang kalaban-laban. Kung meron mang kinikita roon, siguradong kakarampot lang.
Anyway, ngayong araw ang continuation ng hearing para sa copyright infringement case vs WR sa Makati Regional Trial Court.
Maghakot na naman kaya sila ng mga lola?
Teka baka akala naman ni WR ay parang Eat Bulaga ang Wowowee na puwedeng i-retain ang format sa kabila ng paglipat-lipat ng istasyon.
FYI : Ang Eat Bulaga ay produced ng TAPE Inc. na bumibili lang ng oras sa networks. Pero ang Wowowee, pag-aari ng ABS-CBN sa simula’t sapul.
Hindi rin dapat maging big deal ang paghahain ng kaso ng ABS-CBN dahil karapatan nila iyun. Kahit sinong Pilipino, puwedeng dalhin sa korte ang kanilang mga problema pag-naaagribyado. Hindi naman tama kung may nakikita kang mali tapos hahayaan mo na lang.
Wala namang masama kung gustong mag-hanapbuhay ni Willie.
Pero sana maging patas siya. At sana huwag niyang angkinin ang isang bagay na pinagpaguran at ginastusan ng iba.
Pinasikat at pinayaman na siya ng ABS-CBN. Pati ba naman ideya at konsepto ay aangkinin din niya? Kaloka.