Wala si Claudine Barretto sa presscon ng Christmas series ng GMA 7, ang Jillian: Namamasko Po na mapapanood for seven weeks lang, starting November 29 hanggang first week of January. Wala rin si Michael V. nasa Singapore ito, kasama ang barkada ng Eat Bulaga na bida si Jillian Ward.
Isang araw bago ang presscon, isang madramang eksena ang kinunan na kasama si Claudine. Sa sobrang pag-iyak at pagbibigay ng emosyon, na-drain si Claudine, nilagnat kaya hindi ito nakarating sa presscon para sa serye. Pinayagan na siyang magpahinga dahil maaga pa kinabukasan ay magre-resume siya ng taping at ganung eksena rin ang babanatan niya.
“Nagri-request nga siya ng mga light scenes naman dahil talagang nadi-drain siya. Huwag naman daw sunud-sunod na madudugong eksena,” panimula ni Direk Mark Reyes. “Pero ‘yun talaga ang kuwento ng Jillian. Dramang-drama, very Filipino ito. It deals with hope and belief in Christmas.”
* * *
May kumakalat na bulung-bulungan na itinatago raw ni Wendell Ramos ang kanyang apat na taong gulang na anak na babae. Pero nagugulat ang aktor dahil isinasama niya ito sa kanyang mga trabaho at kung uwian ang taping ay kasama rin niya ito.
“Hindi ito madalas. Sa kanyang gulang na apat na taon ay malikot na siya, baka kung saan-saan magpunta kapag nakasalang ako sa isang eksena kaya hindi ko siya madalas nakakasama. Pero hindi ko siya itinatago, bakit naman?” tanong ng aktor na sinorpresa si Direk Mark sa napaka-galing niyang performance sa Pamaskong serye ng Siete.
“Mabibigat na eksena talaga ang mga ginagawa namin sa Jillian. Masakit sa dibdib. Pero bilib ako kay Jillian, cool lang siya. Kahit matagal na kaming nagti-taping parang kararating lang niya, parang walang kapaguran.”
Maganda ang role ni Wendell bilang isang ama na nawalan ng tiwala sa Pasko dahil nga sa pagkakaroon ng anak na may cancer at nakatakdang mawala sa kanila sa panahon ng Kapaskuhan. Opposite ang character nila ni Claudine na punung-puno ng pag-asa.
* * *
Hanggang kailan maiiwasan ni Cristine Reyes ang mga tanong tungkol sa kanyang lovelife? Hihintayin pa ba nating matapos ang Kristine bago siya umamin? Kung sabagay, inamin na niyang naging sila ni Rayver Cruz pero in the past na ito, ang gusto ng tao ay malaman ‘yung present status ng kanyang puso pero patuloy siya sa pag-iwas, pinaaasa pa ang tao sa kanila ng Zanjoe (Marudo, ka-partner niya sa Kristine) gayung hanggang sa harap lamang ng kamera ang relasyon nila. Playing it safe rin ito with Rayver dahil sa kanya na mismo nanggaling na friends na lang sila ngayon.
Hay Kristine, umayos ka! Pakawalan mo na si Dennis (Trillo, an ex) at maging si Rayver, and concentrate on your team up with Zanjoe na sigurado namang makakatuluyan mo sa pagtatapos ng Book 1 ng Kristine.
* * *
Labimpito ang guest ni Imelda Papin sa kanyang One Special Celebration concert na magaganap ngayong gabi sa Aquatica ng Hotel H2O sa likod ng Quirino Grandstand. Bukod sa isang napakagandang palabas na may kakaibang special effects, bibigyan din ang lahat ng manonood ng diskuwento sa Manila Ocean Park.
Makakasama ni Imelda sa nasabing concert sina German Moreno, Andrew E., Angelica Jones, Ernie Garcia, Amay B., Daiana Meneses, Aisaku, Aileen Grace Papin, Pointen, Alexzies, Sherlyn Co, Jessica Arcilla, Ed Lombardo, Musikero, Rey Carpio, Manny Pac, at Madrigal siblings.
Pagkatapos ng concert sa Aquatica, sa New Orleans Hotel naman magko-concert ang Jukebox Queen sa Dis. 26 kasama ang The Cascades, Ron Dantes ng Archies, ang kanyang anak na si Maffy Papin at sister na si Gloria Papin. Bago pumunta ng US makakasama si Imelda sa bibigyan ng istrelya sa Philippines Walk of Fame ni German Moreno sa Disyembre 1.