TV5 gagamitin ang nangungunang weather forecast system sa mundo

MANILA, Philippines – Tinatayang mas malinaw at mas maiintindihan na ang ulat-panahon dahil katuwang na ng TV5 ang Metra Information Limited (Metra) ng New Zealand sa modernong paghahatid ng lagay ng panahon sa Pilipinas.

Base sa kasunduan, gagamitin ng TV5 sa pag-uulat ang Weatherscape XT ng Metra, ang nangungunang weather graphics system sa mundo.

Ang Metra ang pinagkakatiwalaang weather news service na mayroong mahigit 100 weather systems sa iba’t ibang panig ng mundo, at miyembro ng UN World Meteorological Organi­zation.

Nagpirmahan na kamakailan sina Atty. Ray C. Espinosa, ang President at CEO ng TV5, at si Paul Reid, CEO ng Metra.

Bilang kauna-unahang media partner ng Metra sa Pilipinas, inaasahan na magiging matagumpay ang alyansa ng TV5 at Metra para mapabuti ang weather reporting at forecasting sa bansa gamit ang pinaka-advance na computer-based weather visuali­zation system.

Matapos makaranas ang Pilipinas ng matitin­ding bagyo tulad ng Ondoy at abnormal na panahon sa mga nakalipas na taon, inaasahang makatutulong ang full-featured weather graphics at data manage­ment solutions ng Metra Weathers­cape upang mabilis at maagap na maiparating sa publiko ang namumuong sama ng panahon.

Kabilang na ang TV5 sa mga sineserbisyuhang broadcast organization ng Metra sa Europa, Asya, Middle East, Australia, at New Zealand. Tinutulungan din ng Metra ang global brands tulad ng McDonald’s at Marks & Spencer upang i-base ang kanilang operasyon sa lagay ng panahon. 

Show comments