Bago pa man pumirma ng kanyang kontrata sa Star Cinema si Jake Cuenca ay may nauna na siyang pinirmahang three-picture contract sa Regal Entertainment, Inc. ni Mother Lily Monteverde.
Una sa tatlong pelikula na gagawin niya para sa Regal ay sinimulan na niya.
Ito ang Super Inday na kung saan ay proud siya na makapareha si Marian Rivera, ang pambatong artistang babae ng GMA Network, ang kalabang mortal ng kinaaaniban niyang ABS-CBN.
“Ngayon ko lang na-realize kung gaano kasuwerte si Dingdong (Dantes). Napakabait ni Marian at magandang katrabaho. Malakas ang dating niya pero naiintindihan ko ito dahil pareho kaming may dugong Kastila. ’Yung lugar ng dad niya sa Spain ay napakalapit lamang sa tinirhan namin ng family ko before we moved to Manila. Si Marian nga nakakapag-converse in Spanish samantalang ako hindi marunong magsalita ng Kastila,” sabi niya tungkol sa kanyang magandang kapareha na kahit wala silang romantic involvement ay hindi maiwasan ni Jake na hangaan.
Katulad ni Marian, isa ring superhero si Jake sa movie. Siya si Amazing. Magkakatulungan sila ni Inday (Marian) sa pagpuksa sa kasamaan at siyempre magkakagustuhan sila! Malas lang niya dahil matatapos na ang shooting ng pelikula ay wala pa silang kissing scene ni Marian.
After Super Inday, magko-concentrate na si Jake sa teleserye ng ABS-CBN na Green Rose, adaptation ng isang popular Koreanovela. Kasama niya rito sina Anne Curtis, Jericho Rosales at Alessandra de Rossi.
Akala ni Jake ay hindi na niya ito magagawa. Tatlong ulit kasing inalok ito sa kanya, bago pa niya gawin ang Palos pero hindi natuloy. Bago ang Tayong Dalawa, he was again considered for the role pero hindi na naman natuloy. Sa kanya rin pala ito mapupunta sa huli.
Marami ang nagsasabi na hindi siya bida sa Green Rose, suporta lang siya nina Anne at Echo pero kung totoo man ito, hindi na mahalaga sa kanya. Maganda at maaksiyon ang role niya sa nasabing serye. Nag-request pa nga siya ng isang fight choreographer para mapaganda ang kanyang mga fight scenes.
Pinagbigyan naman siya, ang nag-choreograph ng mga fight scenes niya sa Elias Paniki ang ibinigay sa kanya. Sanay na sanay na siya sa mga eksena, sa totoo lang kinakarir niya na ito. Sa isang eksena niya rito ay humampas siya sa pintuan na ikinabasag nito. Hindi naman siya gaanong nasaktan pero naging maingat siya dahil nakita niya ang puwedeng mangyari sa kanya.
“I have to do Green Rose for my maturity as an actor. Kinailangan ko pang mag-workshop ng ilang ulit para hindi ako mabaliw sa aking role. Ganun ’yun kabigat,” dagdag pa niya.
* * *
Proud si John Lapus dahil ngayon lamang nangyari sa kanyang pag-aartista ang makasama ang name niya sa title ng movie. Ginagampanan niya sa pelikulang Super Inday ang role na ginampanan noon ni Aiza Seguerra. Siya ’yung golden bibe na bumaba ng lupa mula sa langit para bigyan ng kapangyarihan si Inday.
Kung madalas man mapanood sa mga pelikula ng Regal si John, ito ay sa dahilang paborito siya ni Mother Lily at itinuturing na lucky charm. Bukod sa paglalagay sa kanya sa mga pelikula nito, nakatakda rin siyang bigyan ng kanyang launching film sa susunod na taon.
Kahit sinasabing second choice lang siya para gumanap ng golden bibe, walang dahilan para tanggihan niya ang role. Bukod sa makakasama niya ang isa sa kanyang paboritong co-stars (magkasama sila ni Marian sa Show Me Da Manny sa TV), maganda talaga ang role niya sa movie at pang filmfest pa ito.
Say tuloy ni John, “Bakit ko naman tatanggihan ang isang role na alam kong maganda at magagaan pa ang mga kasama ko?”