MANILA, Philippines - Waging-wagi ang ABS-CBN sa ginanap na 2010 Philippine Quill Awards noong nakaraang Lunes (Nov. 15) matapos itong makakuha ng anim na parangal kabilang ang prestihiyosong Philippine Quill Award of the Year of Communication Management para sa disaster program nitong DZMM Kapamilya Shower Na na tumalo sa 12 iba pang excellence awardees sa kategorya ng naturang awards night na ginanap sa Crowne Plaza.
Tinanggap nina broadcast journalist Ted Failon, ABS-CBN Head of Manila Radio Peter Musngi at DZMM Station Manager Marah Faner Capuyan ang parangal na unang iginawad sa taunang awarding ceremony na inorganisa ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines.
Ang DZMM Kapamilya Shower Na, na ginawad ding Award of Excellence sa Special Events category, ay pinangunahan ng AM station ng ABS-CBN bilang agarang tugon sa pangangailangan ng mga biktima ng bagyong Ondoy sa pamamagitan ng paggawa ng isang mobile shower facility. Ang 20-foot container van ay naglalaman ng 12 shower cubicles, salamin, at mga kailangan sa paliligo tulad ng shampoo, sabon, atbp.
Nanalo rin ng Award of Excellence ang Boto Mo, iPatrol Mo: Ako ang Simula ng ABS-CBN News and Current Affairs sa Multi-audience Communication category.
Tatlong Awards of Merit din ang iginawad sa ABS-CBN para sa Estero De Paco Clean-Up (Economic, Social & Environmental Development) para sa makabuluhang kontribusyon nito na layuning ibalik ang ganda ng dating Pasig River; Bro, Ikaw ang Star ng Pasko (Marketing Communications) para sa pagpukaw ng pag-asa sa puso ng mga Pilipino noong panahon ng Ondoy at ang 2009 ABS-CBN Annual Report (Publications Design) para sa pagbibigay nito ng ulat sa mga stakeholder sa naging tagumpay ng network sa larangang pinansyal at sa operasyon nito.
Dinaluhan ang gabi ng parangal ng mga executives mula sa top corporations sa bansa. Inawitan sila ni Richard Poon ng What a Wonderful World habang inaliw naman sila ng Showtime grand finalist na Enlighten black theater na ipinakita sa kanilang number kung paano nag-evolve ang komunikasyon.
Ang prestihiyosong Philippine Quill Award ay ibinibigay ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines sa pinakanamumukod tanging communication programs at tools. Ang IABC ay global network ng mahigit 14,000 business communication professionals sa mahigit 60 bansa.