Ang cute ni Baby Lucho, ang anak nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo na na-publish kahapon sa maraming diyaryo ang picture.
Mukhang malakas ang dugo ni Juday dahil kamukhang-kamukha niya ang bagets. Inilabas ng mag-asawang Juday at Ryan ang litrato ni Lucho, dalawang araw pagkatapos ng binyag na ginanap sa Sacred Heart Parish sa Hillsborough, Alabang.
‘Yun naman talaga ang pangako nina Juday at Ryan, ibabahagi nila sa publiko ang litrato ng kanilang anak kapag nabinyagan ito.
Pero nabulilyaso ang plano ng mag-asawa dahil sa pagnanais na magkaroon ng scoop, isang TV network ang naglabas ng mga litrato na kuha sa binyagan.
Balitang-balita na na-offend sina Juday at Ryan sa nangyari.
* * *
Natuloy ang concert ni Manny Pacquiao sa Lake Tahoe dahil gumaan ang kanyang pakiramdam.
Can’t afford si Manny na kanselahin ang concert dahil marami ang magtatampo at baka mauwi pa ito sa panibagong kaso.
Wala nang dapat ipag-alala ang fans ni Manny. Na-bother ang fans nang mapanood nila ang video clip na parang mahina at hirap maglakad ang Pambansang Kamao. May doktor na kasama si Manny at ito ang nagsabi na hindi na dapat mag-worry ang fans.
Dinala si Manny sa Downey Regional Medical Center noong Martes para sa series of test. Tinangka raw ng mga tao sa paligid ni Manny na ilihim ang pagdadala sa kanya sa ospital pero kumalat pa rin ang balita. Dyusko, parang mapaglilihiman naman ang mga Pilipino sa Amerika.
Nang matiyak na walang problema sa katawan ni Manny, nag-guest na siya sa TV show ni George Lopez at mula rito, dumiretso siya sa Lake Tahoe para sa kanyang concert.
* * *
Type ko ang paghingi ni Manny ng paumanhin kay Antonio Margarito. Binisita ni Manny si Antonio para kumustahin ang kalagayan ng Mexican boxer na nabugbog nang husto ang mukha.
Likas na mabait na tao si Manny. Kung ibang boxer ang nasa lugar niya, hindi nila maiisip na dalawin ang kanilang mga nakalaban sa ring.
Gustung-gusto ko rin ang honesty ni Manny. Hindi niya ipinagkaila na nahirapan siya sa laban nila ni Margarito. Hindi malimutan ng mga tao ang madalas na pag-sign of the cross ni Manny sa tuwing magsisimula ang bawat round ng kanyang pakikipagsalpukan kay Margarito.
* * *
Natupad ang last wish ni Wyngard Tracy na huwag iburol ang kanyang labi dahil ipina-cremate kaagad ito matapos na bawian siya ng hininga sa Makati Medical Center noong Martes ng madaling-araw.
Ang abo ni Wyngard na nakalagay sa urn ang dinala sa chapel ng La Salle Greenhills noong Martes nang hapon para sa misa na dinaluhan ng kanyang pamilya at mga kaibigan.
Ngayon ang pinaplanong party para kay Wyngard pero hindi ko pa alam ang kumpletong detalye dahil habang sinusulat ko ito, hindi pa ako nakakatanggap ng imbitasyon.
Hindi lamang sina Richard Gomez, Lucy Torres, John Estrada, at Wendell Ramos ang mga talent ni Wyngard dahil ito rin ang dating manager nina Maricel Soriano, Miriam Quiambao, Side A Band, Jaya, at Willie Revillame.