Hanggang ngayon, Salve A. ay wala pa ring pinal na usapan sa pagitan nina Julius Babao at Karen Davila at ng pamunuan ng ABS-CBN News and Public Affairs kung tatanggapin ng dalawa ang alok na sila’y mapabilang sa late news program na Bandila na hawak ngayon nina Henry Omaga-Diaz at Ces Drilon.
Sa pagkakaalam namin, muli umanong mag-uusap ang magkabilang panig sa linggong ito at dito magkakaalaman kung tatanggapin nina Julius at Karen ang alok sa kanila matapos silang mawala sa TV Patrol sa muling pagpasok sa programa nina Kabayan Noli de Castro at Korina Sanchez.
* * *
Since walang intention ang GMA 7 na muling buhayin ang That’s Entertainment ni Kuya Germs, mauunahan sila ngayon ng ABS-CBN na maglu-launch ng isang teen variety show na pinamagatang Shout Out na magsisimula ngayong November 29 (Monday) mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas 6:00 ng gabi, Monday thru Friday.
Ang teen heartthrob na si Sam Concepcion ay kabilang sa programa kasama ang ibang young talents ng Star Magic.
* * *
Nagluluksa na naman ang buong entertainment industry sa maagang pagpanaw ng isa sa maituturing na haligi ng industriya, isang matapat na kaibigan at talent manager na si Wyngard Tracy na sumakabilang buhay nung Martes (Nov. 16) ng 3:40 a.m. matapos siyang sumailalim ng brain surgery sa Makati Medical Center may ilang linggo na ang nakakaraan.
Isang mass ang ginanap nung Nov. 16 ng hapon sa chapel ng La Salle - Greenhills, San Juan matapos siyang i-cremate.
Ito’y dinaluhan ng kanyang mga mahal sa buhay at mga kaibigan sa loob at labas ng industry.
Paalam, kaibigan!
* * *
Todo ang suporta ng pamilya Gutierrez sa launch ng Bench Men’s Watch kung saan si Richard Gutierrez ang celebrity endorser. Ito’y ginanap sa The Establishment sa Bonifacio Global City nung nakaraang Lunes (Nov. 15) ng gabi.
Dumalo sa nasabing launch ang parents ni Richard na sina Annabelle Rama at Eddie Gutierrez at ate niyang si Ruffa Gutierrez at kakambal na si Raymond. Naroon din ang ibang alaga ni Annabelle sa ilalim ng Royale Artists Management Inc.
* * *
Alam mo ba Salve A.. na ang yumaong writer-supervising producer at talent manager na si Douglas Quijano ang naging daan ni Manay Lolit Solis kung bakit ito napasok sa pagiging entertainment writer?
Si Douglas ang best friend ni Manay Lolit na dating police beat reporter. Isinama ni Douglas noon si Manay Lolit sa isang affair ng Sampaguita Pictures at `yun ang naging daan kung bakit siya nahilig sa pagsusulat tungkol sa mga artista at showbiz. Si Douglas din ang naging tulay kung bakit pinasok ng controversial writer-talent manager at talk show host ang pagma-manage ng talent at si Gabby Concepcion ang kanyang kauna-unahang official talent na hinawakan niya sa loob ng 14 na taon.
Naghiwalay lamang ang landas ng dalawa nang ma-involve sa MFF scam si Manay Lolit in 1994, bagay na kanyang inamin at pinagsisihan.
Marami pang rebelasyon si Manay Lolit sa aming exclusive Celebrity Talk sa kanya na mapapanood soon sa Homepage ng Net25.
* * *
Ang aming kasamahan sa panulat na si Vir Gonzales ang nagkuwento sa amin noon na naging kasintahan ng kuya ni Kris Aquino na si Pangulong Noynoy Aquino ang dating sexy starlet na si Barbara Milano pero hindi ito gaanong na-magnify ng media. Mas nagtatak sa publiko ang naging relasyon ni Pangulong Noynoy noon sa dalawang TV anchors na sina Korina Sanchez at Bernadette Sembrano na parehong may asawa na ngayon – si Korina kay Sen. Mar Roxas at si Bernadette sa mayor ng Kawit, Cavite na si Orange Aguinaldo, apo ni Gen. Emilio Aguinaldo.
Nung hindi na aktibo si Barbara sa showbiz, pinasok din nito ang pulitika at nagsilbi siyang councilor ng Talavera, Nueva Ecija.
* * *
Personal : Congratulations sa aking anak na si Aila Marie Amoyo Reyes na siyang naka-first place sa ika-13th Japanese Forum Speech Contest sa Japan na sinalihan ng 16 na foreign students mula sa iba’t ibang kilalang unibersidad sa Japan nung nakaraang Oct. 30, her 19th birthday.
Ayon kay Aila, ito na ang kanyang pinaka-most memorable birthday gift na natanggap.