Fresh from Texas ang balita na nasagap ko tungkol kay Mommy Dionisia Pacquiao. Matapos mahimatay sa Dallas Cowboys Stadium, nagliwanag daw ang mukha ng madir ni Manny nang bisitahin siya ni Derek Ramsay.
Nanood din si Derek ng laban nina Manny Pacquiao at Antonio Margarito. Kasama siya sa listahan ng mga celebrities and politicians na lumipad sa Arlington, Texas.
Wasak na mukha ni Margarito parang si Erik Morales
Si Erik Morales ang naisip ko nang makita ko ang basag na face ni Margarito.
Napanood ko noong 2006 ang laban nina Manny at Erik sa Las Vegas. Naawa ako kay Erik dahil nawala ang kanyang kaguwapuhan nang makatikim siya ng sunud-sunod na umbag mula kay Manny.
Pero mas matindi ang inabot ni Margarito na hindi nagpaawat. Itsurang nahihirapan na siya, tinapos pa rin niya ang 12th round. I’m sure, nanlalabo na ang mga mata ni Margarito pero pinilit nito na tapusin ang laban dahil pinanindigan na lang niya ang pagiging Mexican warrior.
VV binobomba ng fans ni Marian
Kagabi ang presscon ng Super Inday and the Magic Bibe, ang official entry ng Regal Films sa Metro Manila Film Festival.
Si Marian Rivera ang bida ng pelikula at kagabi lamang siya nakakuwentuhan ng mga reporters kaya sure ako na hiningi ang reaksiyon niya tungkol sa mga litanya ni Vivian Velez laban sa kanya.
Naalala ko ang sinabi ni Marian noong kainitan ng isyu sa kanila ni Bela Padilla. Nag-dialogue si Marian na kahit hindi siya magsalita, ang mga fans niya ang magtatanggol sa kanya.
Swak na swak ang sinabi ni Marian dahil nagpadala agad sa akin ng e-mail ang kanyang fans na super emote against Vivian: Tinanggal ko ang ilang bahagi ng sulat dahil masyadong personal ang atake kay Vivian ng mga tagahanga ni Marian sa pangunguna ni Mirasol de Guzman:
“Masama ang loob naming mga retirable teachers kay Ms. Vivian Velez dahil nilait na naman niya si Marian sa isang talk show. Sana ay i-publish mo naman itong letter namin para maipagtanggol namin ang aming idolo na nagpapasaya sa amin.
“Unang una, kahit nanalo na siya ng dalawang acting awards, wala siyang karapatang manlait ng baguhang artista dahil ultimo sina Nora Aunor, Vilma Santos, Maricel Soriano, Sharon Cuneta, at ang Grandslam Queen na si Lorna Tolentino ay hindi ito ginawa.
“Kung nanalo siya ng acting awards noon, ’di ’yon nangangahulugan na magaling na siyang artista dahil baka tsamba lang dahil wala siyang gaanong kalaban na bigatin.
“Bakit si Kris Aquino, nanalo na rin ng acting award sa Mano Po 2 pero hindi rin matatawag na magaling na artista na.
“Isa pa, kasama si Ms. Vivian sa Imortal kaya out of delicadeza, hindi siya dapat nagbibigay ng comment dahil alam natin na may rivalry sina Marian at Angel Locsin at siya ay self-confessed na maka-Angel dahil noong nasa USA siya, tanging Lobo lang ang napapanood niya.
“Hindi pala niya napanood ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, bakit siya nagkokomento? Nanalo ba siya ng award noong ginawa niya ang Tadyang..? Iba rin ang una niyang sinabi na pangit ang akting ni Marian sa sinasabi niya ngayon na hindi bagay kay Marian ang role dahil sa maamo ang mukha nito.
“Huwag niyang lituhin ang mga fans ni Marian dahil dokumentado ang mga interviews noon sa kanya ng PEP.”