MANILA, Philippines - Sino ang magbabalik bilang wildcard contestants sa Star Factor ng TV5?
Lalong umiinit at tumitindi ang labanan sa pagsisimula ng semi-finals ng kauna-unahang reality-based star search ng TV5, ang Star Factor.
Matapos ang ilang linggong hatawan at pagalingan sa iba’t ibang challenges ng pag-aartista, pito na lamang ang natitira sa mga Shining Stars na patuloy na maglalaban-laban para makamit ang inaasam na grand prize package na P1 M cash, P1 M TV5 management contract, isang 3-bedroom, 2-story house and lot, at ang pagkakataong maging brightest teen star ng TV5.
Ngunit ngayong Linggo, Nobyembre 14, bibigyan ng pagkakataon ang lima sa mga Fallen Stars o ang mga na-eliminate na Star Hopefuls para magpakitang-gilas sa mga Star Makers para sa inaasam na dalawang wildcard slots.
Sino kaya ang limang pababalikin sa mga Fallen Stars na sina Christine Serrano, Claire Ruiz, Clint Gabo, Gail Garcia, Jazz Ocampo, John Uy, Kevin Francisco, Kyru Cabading, Mav Lozano, Nikita McElroy, at Paul Montecillo?
Sino sa limang magpe-perform ang makakapasa bilang wildcard contestants?
Ang dalawang mapipiling wildcard contestants ay makakabalik sa kumpetisyon para sumabak sa mga nalalabing challenges kasama ang pitong matatag na Shining Stars na sina Christian Samson, Eula Caballero, Krissha Viaje, Miguel Estenzo, Morisette Amon, Rico Dela Paz at Ritz Alzul.
Alamin kung sino ang mapalad na muling mabigyan ng pagkakataon para makamit ang kanilang pangarap na maging artista sa wildcard episode ng Star Factor pagkatapos ng P.O.5 sa TV5.
Stress sa kalalakihan pag-UUSAPAN
Ngayong Linggo sa Life and Style With Ricky Reyes, itatampok ang iba-ibang paraan para matanggal ang matinding pagkahapo o stress na sanhi ng dibdibang trabaho, lalo na sa mga kalalakihang medyo nasa kalagitnaan na ng buhay o mid-life.
Dadalhin tayo ng host-producer na si Mader Ricky sa mga lugar kung saan maaaring magkaroon ng interesanteng aktibidad sina Lolo, Daddy at Kuya.
Magbibigay din ng suhestyon kung paano sila malilbang.
May kart racing na dati’y kinagigiliwan lang ng mga bata pero ngayo’y akma na rin sa mga kalalakihan. Kung noo’y pambata rin lang ang mga remote control na laruan, mayroon nang RCheli (remote control helicopter), mini four wheel drive car at iba pang laruang for the big boys.
“Kapag sobrang busy ang mga tao’y nakakaligtaan na nilang maglaan ng oras para maglibang. Ito ang ugat ng stress. Patunay sa kasabihang – all work and no play makes Juan a dull boy. Kung successful ka na’t maraming pera, ang kalusugan naman ang dapat pagtuunan ng atensiyon. Mayaman ka nga pero sakitin ka, wala ring kuwenta ang buhay mo. Baka di n’yo alam, dahil sa stress ay maaari kang magkasakit at manghina” sabi ni Mader.
Tutok din sa segment na Great Hair Day na ang co-host ay si Wendy Valdez. Pati na sa Gandang Body ni Regine Tolentino na isang makabagong sayaw na pampapawis at mabisang pampapabawas ng timbang ang ihahandog para sa mga male workaholics.
Mapapanood ito tuwing Linggo, 11:00 ng umaga sa Q11.