Wala namang naniyak ng pagdating sa bansa ni Nora Aunor. Napag-usapan lang ito, naisulat ko dahil tinawagan ako ni Nora tungkol sa pagdating niya sa buwang ito. Sabi niya, mga second or third week pero, may nagseryoso ba sa kanya? Bagaman at umaasa ang marami sa pagdating niya, hindi man siya matuloy, tanggap na nila. Baka nga may mahigpit na dahilan kung bakit hindi siya makauwi rito. Umaasa man sila, lalo na ang mga Noranians, maiintindihan na nila kung hindi man ito mangyari.
Ako rin naman, naiintindihan ko kung bakit nagpapatumpik-tumpik ng pag-uwi si Nora. Una, hindi naman siya makakagawa ng teleserye, kailangan nito ng mahaba-habang panahon at hindi naman siya makatatagal dito. Eh, di wala rin siyang magiging trabaho rito.
Ikalawa, wala na siyang matutuluyan. Baka ayaw niyang maging pabigat sa sino man sa mga anak niya kung darating siya.
Ikatlo, baka iniiwasan niya ang paghaharap nila ng sinasabing dahilan ng pagkawala ng boses niya, baka hindi pa siya handa sa anumang legal na kaso na kailangang pagharapan nila.
Maraming dahilan. At marahil kapag luminaw ang lahat ng ito, saka lamang siya magkakalakas ng loob na bumalik.
* * *
Kung paano mabulaklak ang career ni Gretchen Barretto ngayon, wala namang ugat kumbaga sa halaman ang relasyon niya sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang kapatid na si Claudine na masama na naman ang naging pagtanggap sa sinabi niyang ayaw niyang magsalita tungkol sa isyu ng hiwalayan nila ni Raymart Santiago at baka makapagsalita pa raw siya ng totoo na ikinagalit ng mag-asawa.
Ano nga kaya ang sitwasyon ng magkakapatid at umaabot na sa ganito kagrabe ang kanilang komunikasyon? Pero in fairness, may laman ang sinabi ni Gretchen. Kung gusto niyang makatulong sa mag-asawa, the least she can do is not to say or insinuate anything.
Kung kay Angelica Panganiban, nakipagbati si Gretchen, bakit hindi kay Claudine? Magkapatid sila at mas matibay ang tali na bumibigkis sa kanila. Blood is thicker than water.
Hindi maganda ‘yung nag-aaway kayong magkapatid sa harap ng publiko!
* * *
Iba-iba ang reaksiyon sa pagpayag ni Konsehala Shalani Soledad na maging co-host sa bagong show ng TV5. Mas marami ang kinaringgan ko ng opinyon na sana pinangatawanan na lang niya ang kanyang pagiging isang pribadong mamamayan at lingkod ng bayan. Sa pagsali niya kasi sa showbiz, mawawala na ang immunity niya, para na rin syang artista na iniintriga. Handa na raw ba siya rito?
.