MANILA, Philippines - Simula nang magsimula ang Martha Cecilia’s Kristine ay hindi na ito binitawan ng manonood anumang timeslot ilagay ito. Sa katunayan noon palang nakaraang Biyernes , umabot pa ng 19.2% ang rating ng Kristine nationwide, kumpara sa 11.5% ng Bubble Gang ayon sa datos mula sa Kantar Media.
Ngayong mas maaga nang mapapanood ang Kristine, siguradong mas marami pa ang tututok sa teleseryeng bumubuhay sa gabi ng bawat Pilipino. Lalo na’t marami pang kapanapanabik na tagpo ang paparating gayundin ang mga bagong karakter ang ipakikilala sa kuwento tulad ni Nathaniel Fortalejo Cervantes, na gaganapin ng baguhang aktor na si JM De Guzman.
Suki na ng Precious Hearts Romances si JM na lumabas na sa Substitute Bride, Midnight Phantom, at ang kasalukuyang umeere sa Hapontastic na Alyna bilang Yael.
Sa una niyang pagganap sa Primetime Bida, hindi maitago ang galak ng binata na nagsimulang gumawa ng pangalan sa teatro. Sabik daw siyang maka-eksena ang mga bida ng programa.
“Looking forward ako na makasama ulit yung mga co-stars ko sa Midnight Phantom, sina Rafael (Rosell) at Denise (Laurel), kasi naging kaibigan ko na rin sila. Si Zanjoe (Marudo) at si Cristine (Reyes), excited din ako kasi mga kaibigan ko sila off-cam, at first time ko na makakasama sila sa trabaho,” ani JM.
Aminado naman ang aktor na kabado siyang makaeksena ang kanyang ina sa teleserye na si Irma Adlawan. “Kasi ‘yung effort at passion na binibigay niya, kung tinatamad kang mag-isip at mag-put ng effort, makakain ka ng buhay ng acting niya,” paliwanag ng aktor.
Pero dagdag niya, ginagamit niyang inspirasyon ang kabang nadarama. “Kung hindi ako tensed, pag hindi ako kinakabahan ibig sabihin wala na akong pupuntahan. Kailangan ‘yun, ‘yung kaba, ‘yung pressure,” sabi ng aktor.
SRR nakaka-12 na sa MMFF
Puwede bang walang Shake, Rattle and Roll (SRR) sa Metro Manila Film Festival (MMFF)? Siyempre hindi.
Kaya ang paboritong horror film na mula sa Regal Entertainment, Inc. ay nasa ika-labindalawa nang pagpapalabas sa darating na Disyembre. At ito ang kukumpleto at mas magpapasaya ng filmfest sa Pasko.
Sa SRR XII, tatlong direktor ang hahawak sa pinasikat ng Regal na trilogy style.
Ang Mamanyika, debut film ni Zoren Legaspi bilang isang direktor, ay tungkol sa isang ulilang bata na nakakuha ng manyika na mala-demonyo dahil pumapatay ng tao. Kasama rito sina Shaina Magdayao at Ricky Davao.
Mula naman sa katatapos na White House, ginawa ni Direk Topel Lee ang fantasy-horror na Isla Engkanto. Ang mga tauhan dito ay sina Andi Eigenmann at Rayver Cruz. Kasama sina John Lapus at Regine Angeles.
Ang Punerarya ay tungkol naman sa isang pamilya na nagma-may-ari ng funeral parlor — na ang ginagawang pagkain ay mula sa mga bangkay. Sina Sid Lucero, Carla Abellana at Mart Escudero ang mga pangunahing karakter, kabilang ang child actor na si Nash Aguas. Si Jerrold Tarod ang direktor.
Ang SRR XII ay parte ng selebrasyon para sa ika-limampung anibersaryo ng Regal Films ngayong taon na pinamumunuan ni Mother Lily Monteverde. Ang bagong Regal Entertainment, Inc. ay nasa pangangalaga na ng anak niyang si Roselle Monteverde-Teo.
“Bawat bagong SRR ay nilalagpasan pa ang naabot ng nauna,” sabi ni Mother Lily. “We at Regal are proud at every SRR that we give the audience during the MMFF.”
Eugene Domingo, nakidnap sa jejemom!
Pinaghalong suspense at comedy ang episode ng Jejemom ngayong Sabado dahil maki-kidnap muli ni Lady Gangsta ang bidang si Gigi na ginagampanan ni Eugene Domingo.
Habang binebentahan ni Renee Boy (Ian Verenacion) ng mga shorts si Lady Gangsta (Ricky Davao), aayain siya nito na isama si Gigi sa susunod nilang pagkikita. Papakyawin kasi ni Lady G ang mga shorts nito kung masasama daw niya ito.
Pagdating nina Gigi at Renee Boy sa tagpuan, agad huhuliin ni Lady Gangsta si Gigi. Susubukan ni Renee Boy na iligtas si Gigi pero hindi niya mahahabol si Lady Gangsta.
Darating sina hepe (Bayani Agbayani) at Dindo (Wendell Ramos) para hanapin si Gigi at mahuhuli nila ang isa sa mga goons ni Lady Gangsta.
Pansamantalang magugulo nga lang ang plano nang tumawag si Bunny (Gelli de Belen) kay Winston (Ricky Davao) at pinapauwi ito. Sandaling umuwi si Winston sa kanilang bahay.
Napatulog niya si Bunny kaya nakabalik si Winston sa kuta.
Matunton kaya nina Dindo ang kinalalagyan ni Gigi bago ito tuluyan ni Lady Gangsta?
Ano ang magiging reaksiyon ni Bunny nang malaman ang tunay na katauhan ng kanyang asawa?
Alamin ang sagot sa mga tanong na ito ngayong Sabado sa Jejemom pagkatapos ng Kaya ng Powers sa GMA 7.