Excited ang kabataang grupo ng mga baguhang Kapuso artists na Tween Stars, paano ba naman kasama sila sa pang-MMFF movie nina Bong Revilla at Vic Sotto. Kahit madalas ang ulan ngayon, hindi ito nakakabawas sa kanilang enthusiasm na makapagsimula ng kanilang shooting para sa nasabing pelikula.
* * *
Kahit pinag-aaway kami ni Shalala ng marami, pinatunayan ng aming pagsasama sa Jaen, Nueva Ecija na all is well between us. Nakasama rin sa nagbigay ng entertainment dun sina Mico Aytona, Lucky, at Joshua Pineda ng programang Pepito Manaloto at ang mga Tween stars nga.
Maraming salamat sa magandang pagtanggap ng mga taga-Jaen, lalo na kay Ms. Alice Eduardo.
* * *
Kahit ilang ulit nang itinanggi ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto na hiwalay na sila, hindi pa rin mamatay-matay ang balita. Kaya hindi ko masisi kung napipikon na sila.
Ginagawa na marahil nila ang lahat ng paraan para hindi mangyari ang nasabing balita na ginagatungan pa ng maraming tao na pakiramdam nila ay gustong sirain ang kanilang pagsasama at sila pa ang lumalabas na masama.
Hindi ko nga sila masisi na madalas nauubos ang kanilang pasensiya pero sana tigilan na sila ng tao at sana dagdagan pa ng mag-asawa ang kanilang pasensiya dahil kapag napipikon sila, sila pa rin ang lumalabas na masama.
* * *
Panahon na naman ng bigayan ng awards, sino naman kaya ang mga mananalo? Sa Sabado na ang Star Awards for TV at susunod na rin ang FAMAS.
Sana naman, suportahan ang mga ito ng mga artista. At kung dadalo sila, sana naman magbihis sila ng pormal na tulad ng hinihingi ng mga nag-iimbita.
Hindi naman siguro malaking gastos kung magri-recycle sila ng damit, not necessarily new para lamang hindi mabalewala ang imbitasyon sa kanila.
Nakalulungkot kasi kapag hindi dinadaluhan ng mga artista ang mga ganitong awards night. Nasasayang ang efforts ng mga nagbibigay ng parangal sa kanila.