May nakapag-tsika sa akin na gagawa ng isang mala-That’s Entertainment show ang isang network. Hindi ako magtataka dahil tingnan n’yo naman ang dami nang na-discover na artista sa aking dating programa na tumakbo rin ng 10 taon dito sa GMA 7. Mas lumaki pa ang pangalan at katayuan ng mga anak-anakan ko lalo’t nag-mature na sila’t nahasa.
Kung gusto n’yong gumawa ng kaparehong programa tulad ng That’s…walang pumipigil sa inyo. I have had my share sa pagdidiskubre ng mga artista. At wala namang makapagsasabi na hindi naging epektibo ang pamamaraan ko. Ako rin gusto kong mabalik ang That’s…pero baka hanggang sa pangarap na lamang ito. But I have no regrets, I have proved my point.
* * *
Lumitaw nang husto ang kaastigan ni Iza Calzado bilang artista. Ang galing niya sa Beauty Queen. Pero magaling din naman ang direktor na humahawak sa serye, si Joel Lamangan. Hindi nakapagtataka kung maging maganda man ito at ang acting ng mga artistang kasama rito sa pangunguna ni Iza.
Buong lugod na tinatanggap ng mga manonood si Iza at nakikisimpatiya sila sa nakakaawang pagtrato rito ng kanyang ina na ginagampanan ni Elizabeth Oropesa.
* * *
Mabuti naman at naririto pa si Coco Martin sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng Walk of Fame Philippines sa Dec. 1. Makakadalo pa siya bago siya pumunta ng US para sa promo ng kanyang pelikulang Noy na nakasali sa foreign film category sa Oscars.
Isa si Coco sa 30 artista na mailalagay ang pangalan sa marmol sa Eastwood City. Isang maringal na programa ang inihahanda ko bilang parangal sa 30 karagdagang pangalan na mai-imortalize sa nasabing lugar. Kung may panahon kayo, join na rin kayo.