May attitude problem agad, Melason madali nang mapikon

Maituturing na Melason ang tambalang pinaka-nakakatawa at nakaaaliw sa kasalukuyan. Iba ang karisma ng real life sweethearts na sina Melai Cantiveros at Jason Francisco sa kanilang mga tagahanga.

Natural kumilos at magsalita ang dalawa. Mag-iisang taon pa lamang sa showbiz sina Melai at Jason ay marami na silang naging projects.

Naglabasan kamakailan ang balitang lumalaki na raw ang ulo ng dalawa at may attitude problem na. Lagi raw napipikon si Jason sa Banana Split kapag siya ang nahahagisan ng pie sa mukha. “Nyek! Ako? Kaming dalawa,” gulat na reaksiyon ni Jason sa isyu.

“Nagkakapikunan kami sa isa’t isa. Kasi ay may problema rin kami noon. Kapag may away talaga kami, itapon ko talaga ang pie sa kanya kapag may kasalanan siya sa akin pero sa amin lang naman. Hindi naman kami napipikon,” depensa naman ni Melai.

Mayroon ding isyu na madalas daw na nale-late si Melai sa kanyang mga showbiz commitments partikular sa taping ng Kokey. “Dati noong nandiyan pa ako sa tabi ng ABS, pero nung nasa Binangonan na ako, lagi akong maaga uy! Tanungin n’yo pa si Direk Wenn (Deramas),” paglilinaw ni Melai.

“Saka siyempre, nag-adjust pa siya. Hindi naman ganoon kadali siyempre ‘yung trabaho minsan, at siyempre ay nabago naman niya kung kailan naman siya lumayo ng bahay. Nabago naman niya,” pagtatanggol naman ni Jason kay Melai.

Coco Martin, ipinanganak na may kapansanan

Mamayang gabi ay kakaibang Coco Martin ang mapapanood natin sa Maalaala Mo Kaya.

Gagampanan ni Coco ang buhay ni Jerome, isang lalaking ipinanganak na may kapansanan. Gagawin niya ang lahat para matupad ang kanyang pangarap na maging isang pulis at tratuhing normal ng mga taong nasa paligid niya. Hindi biro ang naging paghahanda ni Coco para sa kanyang role dito.

“Every time na may gagampanan akong role, ‘yung preparations ko ay sobra-sobra. Nag-aaral ako ng iba’t ibang klaseng pelikula, nag-o-observe ako ng mga tao, nag-aaral talaga ako. Ipini-prepare ko rin ‘yung hitsura ko kasi ayokong every time na may gagawin ako, parang iba lang ‘yung character pero ganoon pa rin yung hitsura,” paliwanag ni Coco.

Kinabahan daw nang husto ang aktor dahil ito ang kanyang kauna-unahang lead role para sa MMK. “Every time na may ginagawa ako ay kinakabahan talaga ako. Nakakahiya naman na kapag ginawa mo ay pangit ‘yung kalalabasan. Ina-assure ko lang at least maayos kong pinaghihirapan bawat proyektong ginagawa ko,” pagtatapos pa ni Coco.

Makakasama ng aktor sa special episode ng MMK mamaya sina Rio Locsin, Desiree Del Valle, Bing Davao, Atoy Co at Richard Quan, sa direksiyon ni Dado Lumibao. Reports from JAMES C. CANTOS

Show comments