MANILA, Philippines - Isang malaking awards show ang inihatid ng NU 107 sa kahuli-hulihang pagkakataon -- napuno nang pinaghalong malalaking banda at artista ang 17th NU Rock Awards noong Oct. 29, Biyernes, sa NBC Tent ng The Fort, Taguig City.
By invitation only ang rock awards kaya masuwerte ang mga nakarating bago tumiklop ang Home of New Rock na umabot sa mahigit dalawang dekada.
Wala pang pormal na anunsiyo kung kailan at kung paano magpapalit ng programa ang DWNU na kumakalas na sa pagiging all-rock FM station at mas didikit na sa tugtuging pang-masa.
Buo ang puwersa ng pamilya ni Atom Henares, may-ari ng istasyon, kasama ang mga anak na sina Crystalle at Quark Henares, at ang ex-wife na si Dr. Vicki Belo sa pamamahagi ng mga awards para sa mga bandang ibinoto ng mga solid na NU 107 listeners.
Nagsilbing host mula alas-nuwebe ng gabi hanggang pasado ala-una ng madaling araw si Iza Calzado na sinamahan nina Tado at Erning ng The Brewrats.
Nagpaunlak namang maging award presenters sina Daniel at Vanessa Matsunaga, Dr. Hayden Kho, Jr., Heart Evangelista, Onemig Bondoc, Ketchup Eusebio, Kitkat, Tuesday Vargas, Tim Yap, KC Concepcion at Anne Curtis.
Nanguna sa mga nakarami ng glass trophy ang tinaguriang “super band” na Franco. Apat na malalaking kategorya ang nakopo nila. Sumunod ang Tanya Markova na tatlong awards ang nakuha. Pareho silang debutante sa mainstream scene, iisa ng record company, ang MCA Music, at self-titled ang ginawang album.
Pinasigla ang gabi ng mainit na rakrakan ng The Dawn, Up Dharma Down, General Luna, Us-2 Evil-0, Itchyworms, Mr. Bones and the Boneyard Circus, Peryodiko, Pupil, RiverMaya, Sleepwalk Circus, Sugarfree, The Youth, Wilabaliw, Slapshock, Greyhoundz, Kamikazee, Urbandub, RiverMaya, Tanya Markova at Franco.
* * *
Nag-piyesta naman ang mga mata ng mga rock fans sa romansa sa likod ng entablado.
Walang kiyeme sa mga kumukuhang photographers si Crystalle Henares at ang foreign boyfriend nito na may hawig sa pigura ni Yilmaz Bektas. Nauna kasing dumating ang panganay ni Dr. Vicki sa venue kaya nang dumating ang dyowa niyang hunk, may ilang minuto silang nagyakapan at naglaplapan kahit inilawan na ang bahagi ng VIP area at nakapuwesto na ang mga photographers.
Dalawa pang showbiz couples ang pinagkaguluhan – si Iza at ang BF niyang si Atticus King na may hawig naman kay Diether Ocampo, at sina Anne Curtis at Erwan Heussaff. Pero hindi naman sila kasing game na game ni Crystalle.
Sa 17 taon nang pagbibigay ng parangal sa mga rakista, ‘Rock Awards virgin’ pala si Crystalle. Kung kelan pawala na at saka lang siya nakapunta sa itinatag ng tatay niya.
Loner naman ang naging dating ni KC na walang lalaking escort. Nang mag-present ng Artist of the Year award, parang nasa Simply KC at The Buzz ang anak ng Megastar dahil marunong nang bumangka. Halos pinilit niyang magsalita ang tahimik na si Ely Buendia. Pero in fairness sa aktres, mukhang nakapag-research siya sa Pinoy rock scene bago sumalang dahil nakakapag-komento siya.
Si Karen delos Reyes ng Survivor Philippines : Celebrity Showdown ang kasamang nag-abot ng Song of the Year award nina Mich Dulce at Myrene Academia ng Sandwich sa Franco. At dahil miyembro rito si Buhawi “Buwi” Meneses na kapwa castaway niya, natuwa ang aktres.
“Sabi ko sa ’yo mananalo ka eh,” reaksiyon ni Karen habang hinihintay na umakyat ng entablado si Buwi at mga kabanda.
Sa mga komedyanteng bisita, tanging si Ketchup lang ang hindi kinatuwaan ng mga tao. Patok pa rin ang suking si Tuesday at kinaaliwan naman ang first-timer na si Kitkat na marunong palang kumanta.
Tulad ni Tim Yap, halos wala ring kontribusyon sa stage si Onemig Bondoc nang mag-present ng award. Pero sa kanilang dalawa, kimi at parang conscious ang dating aktor kumpara sa likas na madaldal na TV host-editor.