Sexy actress tinakbuhan ang nabangga

Meron talagang dahilan para katakutan ng mga makakalaban nila sa Metro Manila Film Festival 2010 ang huling  serye ng Tanging Ina na nagtatampok sa tandem nina AiAi delas Alas at Eugene Domingo, ito ay ang pagbabalik nina Marvin Agustin,  Carlo Aquino at Serena Dalrymple.

Kapag nakita pa rin sa pelikula si Jiro Manio na kinalugdan  din ng maraming manonood at sa serye na nagbinata, kumpleto na ang pelikula. Kung baga sa ulam, kumpleto rekados na, wala nang hahanapin pa.

Matatandaan na sa huling kabanata ng Tanging Ina ay wala sina Marvin at Carlo, pinalabas na nasa ibang bansa sila. Bagaman at marami ang naka-miss sa kanilang mga character, hindi nakaapekto sa istorya ang kanilang absence.

Huling serye na ito ng Tanging Ina, Ang Tanging Ina Mo Rin (Last  Na ‘To!) na dinidirek nga pala ng box-office director na si Wenn Deramas.

*    *    *

Mukhang na-inspire sa pagbabalik ni Gabby Concepcion ang isa pa niyang anak na si Gabrielle o Gaby. May plano rin itong pumasok ng local showbiz. Pero ‘di tulad ng kanyang half sister na si KC na ang konsentrasyon ay nasa pag-arte sa pelikula at pagiging host sa TV, sa pagkanta lilinya si Gaby na katulad ni KC ay mas kamukha ng kanilang ama kesa ng kanyang inang si Grace Ibuna. Ewan ko lang ang isa pa nilang kapatid kay Jenny Syquia na si Chloe kung mas Gabby rin kesa Jenny.

*    *    *

May eksklusibong footage ang Showbiz Central ngayong hapon sa nangya­ring pagkakabangga ng isang sexy star sa isang sibilyan. Nagbigay ng kanyang pahayag kasabay ang reklamo ng naaksidente laban sa artista na diumano’y tinakbuhan siya. Pero may sagot din sa kanya ang seksing aktres.

Dahil Araw ng mga Santo bukas at ng mga kaluluwa sa Lunes, mga kuwentong katatakutan ang ilalahad ng ilang mga artistang nakaranas ng kababalaghan.

*    *    *

Meron daw mamamatay na character, dalawa sila, sa pagtatapos sa linggong ito ng matagumpay na seryeng Magkaribal.  

Walang itulak kabigin sa galing umarte ng lahat ng cast. Lalo na ‘yung anim na major stars – Gretchen Barretto, Bea Alonzo, Angel Aquino, Erich Gonzales,  Enchong Dee, at Derek Ramsay.

Ngayon pa lamang ay hinihila na ng mga TV viewer ang araw at oras  para malaman na kung paano magkakakilala ang magkapatid na Victoria at Gelai, kung sinong dalawang characters ang magbubuwis ng buhay, at kung sino ang bibiyayaan ng kapalaran ng  masayang wakas. 

Show comments