MANILA, Philippines - Patuloy na namamayagpag ang Studio 23 simula noong Setyembre matapos lumaki ang average national audience share nito sa 5%, base sa datos ng Kantar Media.
Nagawa na ring ungusan ng Studio 23 ang TV5 pagdating sa noontime block at ngayo’y nasa ikatlong puwesto na sa average audience share na 9% laban sa 5% ng TV5.
Dahil sa mga bagong programa na ipinakilala sa simula ng taon, ang audience share ng Studio 23 ay tumaas na hanggang 5% mula sa 1.8% audience share nito noong Enero 2010.
Ang pagpalo sa rating nito ay dahil sa Lunch Box Office, koreanovelas, animes, Top Rank boxing mateches, at UAAP/NCAA games na tinatangkilik na ng mas dumadami pang Kabarkada saan man sa bansa.
Tatlong bagong local shows din ang inilunsad kamakailan ng Studio 23 tuwing 9:30 p.m. sa primetime weeknight block nito.
Ipinakilala na rin ng Kabarkada ang naiibang uri ng pagbabalita sa primetime hatid ni Anthony Taberna sa iBA-BALITA. Hindi lamang siya naghahatid ng mga sariwang kaganapan sa bansa, siya rin ay nagsasagawa ng live interview sa mga tinaguriang newsmakers sa mismong studio. Sa unang linggo nito, nakapanayam ni Anthony si Executive Secretary Jojo Ochoa at binusisi rin ang mga isyu tulad ng reproductive health bill sa pamamagitan naman ng pag-interview sa mga magulang ng maraming mga supling.
Mapapanood na rin sa Studio 23 ang primetime replay ng hit crime docu-drama na S.O.C.O. kasama si Gus Abelgas tuwing Martes, 9:30 p.m., at mga eksplosibong investigative reports nina Julius Babao, Pinky Webb at Anthony Taberna XXX tuwing Huwebes, 9:30 p.m.
Sef Busy as a Bee
Muntik nang naging madilim ang kapalaran ng StarStruck V 4th avenger na si Sef Cadayona nang matanggal sa mga huling linggo sa kompetisyon noong 2009.
Pero nang makita ang posisyon sa showbiz, isang bonggang 2010 ang pumasok sa kanya.
Busy as a bee si Sef dahil sa pagho-host ng Startalk segment kasama sina Chariz Solomon and comic act Jan Manual. Lumabas na rin siya sa Diva na nang-imbiyerna kay Mark Herras. Ngayon sa Ilumina, komedyante siya na best friend ni Aljur Abrenica.
May talent din siya sa pagsasayaw na ipinapakita tuwing Linggo sa Party Pilipinas.
Sa lahat ng exposure ng 21-year-old GMA Artist Center talent, say niya, “I feel so blessed to think na maaga akong natanggal sa StarStruck. Kinabahan ako noon pagkatapos ng StarStruck and my way of coping then was, hone my skills by attending more workshops.”
At nakatulong nga ito kay Sef. Lumabas ang natural humor niya kaya siya napunta sa Startalk at lumabas sa I Laugh Sabado ng Q Channel.
Sa pagpapatawa, tinitingala niya ang kakayahan nina Michael V. at Ogie Alcasid at ang batikang trio na Tito, Vic, at Joey.
“Sobrang nirerespeto ko sila kasi may sarili silang jokes and their style is effective talaga,” puri pa ni Sef sa mga idolo.
Dahil guwapo at karamihan sa mga komedyante ay lady killer kung maturingan, tinanong si Sef kung sino sa mga artista ngayon ang type niya. Wala namang kagatul-gatol na sinabing si Sheena Halili ang crush niya at sa tingin niya, magki-click sila on-screen.
Halloween simula na sa Winter Funland
Nagsimula na ang pagdiriwang ng Halloween sa Winter Funland sa Star City. Ang lahat ng mga bisita ay sinasalubong ng mga staff na may suot na Halloween costumes.
Sa loob naman ng Winter Funland, makikita ang isang malaking pumpkin o kalabasa na inukit mula sa yelo. Sa loob din ay makikita ang “winter witch” na nasa ibabaw ng pumpkin, ganoon din ang maraming lighted pumpkins na lalong nagbigay ng kulay sa kapaligiran.
Sa Halloween night mismo, magkakaroon ng “trick or treat” games kung saan ang mga bata ay makakatanggap ng mga candies at iba pang mga regalo. Ganoon din naman ang lahat ng mga batang ang edad ay sampung taong gulang at pababa ay makakapasok ng libre sa Winter Funland basta nakasuot ng costume sa Oct. 31.
Subukan ding mag-enjoy sa Star City dahil bukas araw-araw mula alas-kuwatro ng hapon ang Winter Funland at kung weekends naman ay alas-dos nagsisimula.