MANILA, Philippines - Sa likod ng bawat balita, may mga kuwentong hindi pa nakikita ng mamamayan, mga piraso ng impormasyon na bubuo sa katotohanan.
Kagabi, pinasok ng mga matapang at masugid na tagapag-ulat ng ABS-CBN sa programang Patrol ng Pilipino ang buong istorya sa mga balitang may saysay sa bawat Pilipino.
Ang Patrol ng Pilipino (PNP) ay isang weekly 45-minute news documentary program na magbibigay ng mas malalim na pag-uulat sa mga balitang nilahad sa Umagang Kay Ganda, TV Patrol at Bandila.
“With each assignment, reporters see a side of news that the public seldom sees. Patrol ng Pilipino, will give the viewers what they need, a full and uncut view of the truth behind the most important news stories,” ABS-CBN Head for Current Affairs Lester Chavez said.
Bawat Martes, babalikan ng may dalawa o tatlong ABS-CBN reporter ang mga makabuluhang ulat tampok ang mga kuha at panayam na hindi pa naeere, mga behind-the-scene clip ng reporter sa kaniyang pangangalap ng impormasyon at mga bagong anggulo sa isyu.
Sa episode nito noong Martes, ibinahagi ni Jorge Cariño ang mga eksena sa kaniyang pagmamatyag sa hagupit ni Bagyong Juan sa Cagayan. Silipin kung paano sinalanta ang probinsiya at kung paano sinubukang isalba ng mga residente at awtoridad ang kanilang buhay at kabuhayan.
“Combine every detail—big and small—in a report, and you will get the truth. That’s what ‘Patrol Ng Pilipino’ will do. We will show you the faces, the lives, behind the statistics. This way the bits of information come together to show the reality of our lives,” ani Patrol ng Pilipino’ executive producer Nadia Trinidad.