Bakit ba dumarami ang mga artistang babae na nag-aaway? Si Pauleen Luna, bakit palagi na lang siyang inaaway ng mga kapwa niya artista? ‘Yung sinabi niya sa kanyang interview sa TV na ayaw niyang pag-usapan si Cristine Reyes dahil hindi niya alam kung bakit ito nagagalit sa kanya ay lalo lamang nagpasiklab sa galit ni Cristine kaya binibira siya nito sa Internet.
Kailan kaya matatapos ang away ng mga artistang babae na ang pinagbubuhatan ay isang artistang lalaki? Nakakahiya kasi, lumalabas silang cheap. At si Pauleen, bakit tila paborito siyang pagtulung-tulungan ng mga kapwa niya artistang babae?
* * *
Siguro para tuluyan nang makabalik sa eksenang local, mapa-showbis man o hindi si Hayden Kho ay tanggapin na niya ang kanyang kasalanan at mag-sorry na lang kay Katrina Halili. Makipag-ayos na rin siya, sa pahintulot ng kanyang abogado. Hinding-hindi talaga makakalimutan ng lahat ang kanyang ginawang pagbi-video ng mga personal nilang ugnayan ng aktres kaya kahit hindi siya ang nagpakalat ng video ay may dapat pa rin siyang panagutan.
May bago siyang proyekto (negosyo) na I’m sure ay magiging available din locally, kung gusto niyang magtagumpay dito at bilhin ng tao, kailangang isaayos muna niya ang lahat ng may kinalaman sa kanya.
* * *
Bigatin naman si Michael V. Bumili ito ng bahay sa California, USA hindi para manirahan doon kundi kapag nagbabakasyon sila ng kanyang pamilya ay maging malapit lamang sila sa Disneyland at Universal Studio na paboritong pasyalan ng mga nagpupunta dun.
Sa Pilipinas nagkaroon ng magandang buhay at maging ng magandang edukasyon (PLM) ang komedyante kaya hindi niya ito maipagpapalit sa klase ng edukasyon na makukuha ng kanyang mga anak sa bansang sinilangan nila at kinalakihan.