MANILA, Philippines – Nagsimula na ang pakikipag-usap ni Briccio G. Santos, chairman ng Film Development Council (FDCP), bilang representative ng Pilipinas, para sa pakikipag-partner sa paggawa ng pelikula sa Australia at Malaysia.
Siya rin ang nahirang na bise presidente ng AFCNet o Asian Film Commissions Network, ang pinakamalaking asosasyon ng mga film commissions sa Asian region na nabuo noong 2003 na may 44 regular at dalawang associate members mula sa 16 bansa sa nakaraang board meeting sa Pusan, South Korea.
Sa kanyang presentasyon, isinumite ng FDCP head ang kasalukuyang lagay ng lokal na industriya ng pelikula at ang mga nakikitang balakid sa pag-unlad pa nito. Ibinigay din ni Santos ang plano niya para sa Philippine National Cinema o Sineng Pambansa.
Nakikita ng FDCP head na maaari pang lumagpas sa kakayahan ng mainstream cinema at ng mga institusyong nasa labas ng Maynila ang estado ng Sineng Pambansa kung tutulong ang mga bagong independent media, ilang local government units (LGUs), at kahit ang tourism sector. Maaaring maging daan ang mga local festivals at makabagong teknolohiya tulad ng mobile phone at Internet.
Nakikita ni Santos ang posibleng paglobo ng local film industry sa pamamagitan ng international co-production ventures, mapa-mainstream o independent filmmakers man. Kumpiyansa siya na makakahikayat ng mga key players na mga local filmmakers, producers, at theatre owners, kabilang din ang media, LGUs, at turismo ng Pilipinas, upang sumuporta sa National Cinema.
Ang AFCNet ay naghahanda na rin para sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ASEAN countries, higit doon sa hindi pa miyembro: Vietnam, Laos, Brunei Darussalam, at Myanmar.
Puntirya rin ng AFCNet ang suporta ng mas malaking Association of Film Commissioners International, na miyembro ang mga higanteng United States at Europe.