Sabi ni Manay Ethel Ramos, kinakakitaan na ng hilig sa pag-aartista ang kambal nina Aga Muhlach at Charlene Gonzales. Pero siyempre mas gusto niyang mag-aral muna ang mga ito at makuntento na muna sa panonood ng mga palabas sa TV at panonood ng local movies. ‘Yung hindi niya na-achieve, like education, ay gusto niyang (Aga) ma-enjoy ng kanyang mga anak. Paminsan-minsan pinapayagan niyang tumanggap ang mga ito ng product endorsement pero hindi palagi at para lamang magkaroon sila ng experience kung paano mag-shoot ng commercials na para na ring gumagawa ng pelikula.
Aga is one of the most well-managed artistas natin, salamat sa mabuting pamamalakad ni Manay at maingat na pamamahala ng kanyang kita nung siya ay binata pa.
Lahat ng meron si Aga ngayon, pinag-ipunan niya at binili ng cash. Hindi pumapayag ang manager niya na umutang siya para lamang magkaron ng sarili niyang bahay, at mga ari-arian.
* * *
Ewan ko kung paano lulusutan ni Heart Evangelista ang galit sa kanya ng manager niyang si Mama Annabelle Rama. Sa halip na magdiwang ito at maging masaya nung birthday niya ay nanggagalaiti ito sa galit dahil kinukuha na raw ng mother Heart ang pagma-manage sa career ng anak na hindi pa tapos ang kontrata.
Ayaw kong makialam pero, in general, kailangang tapusin muna ng isang artista ang kontrata niya bago siya pa-handle sa iba. In Heart’s case, sa kanyang ina i-honor muna nila ‘yung mga commitments nila sa nagbigay ng grasya sa kanila bago sila magplano ng sarili nila. Kilala naman nila si Mama Annabelle, kahit saan sila magpunta, aabutin sila ng galit nito. Kung ayaw na nila, makipag-usap na sila, mabait si Mama Annabelle, baka maintindihan pa sila.
* * *
Kung hindi pa nagbigay ng blowout para sa Petrang Kabayo ang Viva, hindi pa malalaman ng marami na meron palang hidwaan na namamagitan sa pagitan ng direktor ng pelikula na si Wenn Deramas at ng entertainment writer at radio personality na si Jobert Sucaldito. At umaabot na sila sa paghahamon ng suntukan?
Sana mag-usap na lang sila at mag-ayos dahil nakakahiya kung sila-sila na parehong taga-showbiz ay nag-aaway away pa.